May mga ilan nga naman na bigla na lang dadating sa atin para makikain lang. May ilan din na parang mga multo, mawawala tas bigla na lang li...
May mga ilan nga naman na bigla na lang dadating sa atin para makikain lang. May ilan din na parang mga multo, mawawala tas bigla na lang lilitaw. 😁 Kala mo patay na, yun pala buhay pa pala. At least hindi kagaya ng iba na alam mo nanjan pero sineen zone ka lang. Gayo't gayun pa man, yung mga biglang dumadating at nakikikain, mga nawala tas nagpakitang muli, nagdudulot pa rin naman sila ng kasiyahan sa ating kalooban.
May anim na mga palatandaan ng presence ng nabuhay na muli na Kristo ang makikita natin sa mga basahin ngayong Linggong ito. Itong anim na ito ay nagdudulot ng kasiyahan at kagalakan sa ating buhay. Ang mga ito ay mga palatandaan din na tayo nga ay nasa kanya, sumasakanya.
Una na dito ay ang binangit ni San Pedro sa unang pagbasa: ang PAGSISI SA MGA KASALANAN AT PAGBABALIK LOOB SA DIYOS sa ngalan ni Hesus. Mula ito sa bilin sa kanila ni Hesus, na sa Kanyang “pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalan ay dapat ipangaral sa lahat ng mga bansa.” Hindi ba’t ang taong nagsisisi sa kanyang mga kasalanan at tumangap ng kapatawaran ay may magaang puso at masayang buhay? Wala kang iisipin. Hindi mo kailangan ang safeguard na sabon. (Kaway kaway sa mga dating gumagamit ng safeguard na sabon na napapanood sa mga commercials noon sa tv sa pinas.) Hindi ka guguluhin ng iyong kosensya. Makakatulog ka nang mahimbing.
Ang pangalawa ay ang PAKIKINIG AT PAGTUPAD SA MGA SALITA NG DIOS o pagsunod sa mga ito. Ang pagsunod sa kanya ay isang palatandaan ng pagkakakilala natin sa Diyos. Ang sabi pa ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, “nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, ‘Nakikilala ko siya,’ ngunit sumusuway naman sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig sa kanya nang wagas. Ganito natin nalalamang tayo’y nasa kanya.”
Pangatlo, ay ang PAGTITIPON, pagsasama-sama, pagiging buo, hindi watak watak. Sa unang bahagi ng ebanghelyo ay makikita natin na magkakasama silang muli at eager sila na ikwento ang mga nangyari sa daan patungong Emmaus at malamang yung mga nandoon din na pinakitaan ni Hesus ay masaya ding nagkwento na nagpakita ang Panginoon sa kanila. Hindi ba’t masaya tayo kapag nakakasama natin ang ating mga kamag-anak, ang ating mga kaibigan at kakilala. Minsan masaya din naman na kasama mo yung kaaway mo kasi alam mo na wala siyang kababalaghan na ginagawa sa likod mo. Pero mas lalong masaya kung ang magkaaway sa isang grupo ay magkabati.
Ang pagsasama-samang muli ng mga tagasunod ni Hesus makalipas na ang ilan ay nagtangakang umuwi, gaya na lamang ng dalawang kakabalik lang sa kanilang naudlot na pag-uwi sa Emmaus dahil nagpakita ang Panginoon sa kanila doon. Siguro masaya kayo na naudlot din ang aking paguwi sa Pinas sapagkat at least kasama ninyo ako ngayon sa Misang ito. Except na lang doon siguro sa mga hindi natutuwa sa akin, pwes magdusa kayo! Hahahaha. Isama pala natin si capo Vic dahil umuwi na ng Pinas. Bagama’t maninirahan daw siya sa gitna ng kakahuyan sa Pinas, na iilan lang ang taong makikita, narito siya sa ating mga puso at kasama sa ating mga dasalin.
Ang pang-apat ay ang KAPAYAPAAN NA HATID NI HESUS. Sinabi niya sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan!” Bagama’t ang ending ay nagulat sila at natakot sapagkat akala nila’y multo ang nasa harapan nila. Aba’y sino ba namang hindi magugulat na bigla na lang na may sumulpot na parang bula sa harap mo. Tas alam mong namatay. Kung yung mga hindi nyo nga ineexpect na tao ay biglang nagpapakita ay nagugulat kayo, at sinasabi pa, “Ala ei ba’t nandito ka?” “Hala! Nandito siya!” Kung kasama nga din siguro ako nila aba’y ako yung unang magsisisgaw o baka unang mamutla. O kayo daw, sige daw, ipagdadasal ko kaya na dalawin kayo ng mga lagi ninyong sinusulat dito sa papel na mga paangalan ng inyong mga yumaong kamaganak sa intentions…yung dalaw na hindi nyo inaasahan at wala sa oras. Ewan ko lang ano reaction nyo.
Ang taong sumasakanya, ay bagama’t matatakot sa una, sa anumang pwedeng katakutan dito sa mundo, ay magiging mahinahon at mapayapa. Ang sino mang tatangap ng kapayapaan ni Hesus ay giginhawa ang pakiramdam. Hindi Siya multo. Hindi Siya kagaya ng ibang kakilala nyo na mahilig mang ghosting.
Ika-lima ay ang PAGTANGAP SA MGA BAGAY-BAGAY. Kailangan tangapin natin ang mga realidad sa buhay at hindi ideny na nangyayari o nangyari ang isang di magandang pangyayari. In other words, nagmomoveon at tangap ang katotohanan. Hindi ba’t ang taong tangap ang anumang nangyari sa pamilya ay hindi mabigat ang damdamin at kalooban. Oo masakit kung anu man ang pinagdadaanan pero hindi denideny ang reality na ganun nga.
Kaya nakamoveon ang mga tagasunod ni Hesus sa pagkawala, sa mga nangyari sa kanilang Panginoon, ay dahil tinangap nila ang masakit na pangyayari na ipinapatay Siya at sila ngayon ay nagbabata kagaya ng kanilang master. Ipinaliwanag niya sa kanila ang mga nasusulat tungkol sa kanya, na “kinakailangang magbata ng hirap at mamatay ang Mesiyas at muling mabuhay sa ikatlong araw.” At sila ngayon “ang mga saksi sa mga bagay na ito.”
Ang pang anim, at inihuli ko dahil for sure eto lang na naman ang maaalala ninyo. Kilala ko na kayo. Ito ay ang PAGKAIN. Hindi ba’t masaya kayo pagmay pagkain?
Kung may mga taong parang multo na bigla na lang magpapakita na wala sa oras, may mga tao naman na bigla na lang dumadating para lang makikain. Ngayon ko lang napagtanto na ang gawain pala ni Hesus ay gawain ko din. Hahaha.
Nang hindi pa rin sila makapaniwala dahil sa malaking galak at pagkamangha, tinanong sila ni Hesus, “May makakain ba riyan?” Siya’y binigyan nila ng kaputol ng isdang inihaw; kinuha niya ito at kinain sa harapan nila.
Siguro naman masaya kayo na ang inyong lingkod ay nakikikain sa inyo at bumibisita sa mga bahay ninyo paminsan minsan. Paminsan minsan lang naman, di naman araw-araw. Ibig lang sabihin ay kasama ninyo ako at kaisa ninyo rin. At dahil nirerepresenta din natin ang ating Panginoon ay para naring siya ang dumalaw sa inyo at pinakain ninyo. Hindi kayo iba sa akin. Hindi kayo iba sa Diyos. Pinagpala kayo!
Pero siguro mas matutuwa si Lord sa atin kung yung iba rin na humihingi sa atin ng pagkain ay bibigyan natin. Marami sa ating mga kababayan o kapwa tao, lalu ngayong panahon ng Covid-19, na minsan lang makakain o minsan walang makain. Kapag may nanglilimos, naghihingi para sa pagkain, bagama’t alam natin na baka mafia to, bigyan. Wag ipagdamot ang 1 euro na nasa bulsa kung pambili ng makakain ng nagugutom ang dahilan. Sapagkat ang sabi sa atin ay pakainin ang nagugutom dahil ang taong ginagawan natin nito, lalu na yung hindi pwedeng magbalik nitong kawang gawa natin, ay mismong si Hesus na Panginoon natin. Babalik naman ito sa atin ng sobra sobra, siksik, liglig, at umaapaw.
Hindi ba kayo natutuwa dun sa mga nagsusulputan na mga community pantry na ginagawa ngayon doon sa pinas upang ang nagugutom ay makakain at ang mayroon ay makapagbigay? Ang nagbigay at ang nakatangap ay parehong masaya at sumasaKanya.
Hindi nyo ba napapansin, lahat ng importanteng pangyayari at pagtuturo ni Hesus ay sa oras ng kainan o pagkatapos kumain nagaganap? Hindi nyo ba napansin na ang anim na mga bagay na ito ay ang mga bahagi ng Misa na ginagawa natin bawat Sunday?
Sana yung mga kasama natin na mukhang namatay kahit buhay pa pero hindi na natin nakikita dito ay maisip dumalaw minsan at makikain kahit kapirangot lang ang tinapay na pinagsasaluhan. Hahahaha. Wag lang naman kayo magugulat kung makakita kayo ng biglang nabuhay. Dapat tayo ay magalak sapagkat muli natin silang nakasama kahit panandalian lang.
Nawa’y sa bawat pagsisimba natin ay madama natin ang presence ng Kristo ng Muling Pagkabuhay. At ito’y magdala ng galak sa ating mga puso at mga buhay. Siya nawa. Amen.
No comments