Saturday, November 30, 2013

Huwag kang Tatanga-tanga at Papatay-patay



Kapag pupunta ka sa isang lugar at ikaw ang magmamaneho ng sasakyan o ng motor, siguraduhin mong hindi ka papata-patay at tatanga-tanga dahil pag naidlip ka ng kahit isang segundo lang habang hawak mo ang manibela, sa ospital o sa sementeryo kana pupunta. Kung ikaw ay naghihintay ng susunduin mo sa estasyon ng bus o ng tren o kaya namay nag aabang ng masasakyan, pag ika'y naidlip ng konte, tyak na maiiwanan, malalagpasan ka ng iyong sasakyan at maghihintay ka na naman ng ilang oras o minuto a sunod na daraang bus, o ang susunduin mo/susundo saiyo balisa na sa kakahanap sayo sa terminal. Kung ikaw ay maninigarilyo habang nakahiga sa kama, aghihintay na lumalim ang gabi o kahit sa paghihintay na magsimula na ulit ang trabaho sa hapon, siguraduhin mong hindi ka tatanga-tanga na makatulog habang hawak mo pa ang upos ng sigarilyo dahil baka ang katawan mo at ang buong bahay ay mauwi sa abo imbes na abo ng ng upos ng sigarilyo ang kailangan mong itapon.

MAGBANTAY, BE VIGILANT. Huwag tutulog-tulog, huwag papatay-patay. Yan ang mensahe ng unang lingo ng adviento para sa atin. Sapagkat hindi natin alam ang araw at ang oras ng pagdating ng Panginoon upang tayo ay husgahan.

Sa unang pagbasa narinig natin na itinakda ang araw kung kailan dapat pumunta sa Zion upang ang mga tao ay mabigyan ng instructions, mturuan ng mga pamamaraan ng Diyos. Alam kung kelan dapat maglakad, alam kung kelan dapat pumunta. Subalit sa panahon, sa oras ng muling pagbabalik ni Hesus, hindi natin ito mamamalayan tulad ng isang sakuna na bigla na lang dumarating sa ating buhay. Wala tayong kamalay-malay, wala tayong alam. Kung kayat dapat tayo dapat ay laging gising, laging mapagbantay. Hindi dapat papatay-patay, hindi dapat tatanga-tanga. Katulad ng lindol ang pagdating ni Hesus, hindi natin alam kelan at saan mangyayari. Kung hindi ka "abtik," kung tatanga-tanga ka, kung hindi ka mabagsakan ng bubong o pader, mahuhulog ka sa sink holes sa lupa.

Maging handa. Kapag buntis ang nanay sa bahay, abala ang ama sa paghahanda sa paglabas ng kanilang baby. Abala din ang ina sa paghahanda ng mga kagamitan at inihahanda nya na rin ang kanyang sarili sa panganganak. Hindi papatay-patay, hindi tutulog-tulog. Habang naghihintay sa isang kaibigan sa bus terminal, dapat ay aktibong gising at hindi papatay-patay. Inaanyayahan tayo sa unang lingo ng adviento na maging aktibong gising, hindi papatay-patay at hindi tutulog-tulog habang naghihintay na sumapit ang Pasko, na dumating ang Panginoon sa ating buhay, at sa kanyang muling pagdating.

1st Advent A


Saturday, November 9, 2013

Consuelo de Bobo

Malimit ang mga mababait na tao kapag nakagawa ng mali sa kapwa nya, lalu na kapag sa kaibigan o kamag-anak at ayaw nyang masira ang relasyon, gagawa siya ng paraan para makuhang muli ang loob nito, gagawa ng paraan para "maaliw" ang nausyami na tao, magbibigay ng isang pampalubag loob na gawain o anu pa man, na tinatawag din nating isang pa "consuelo de bobo."

Madali lang din nating tangapin ang isang consuelo de bobo lalu na't, tayo mismo ay mahilig na maghanap ng pakonsuelo sa buhay, maghanap ng aliw sa buhay. Kung minsan pa nga e naghahanp ng panandaliang aliw sa buhay. Mahilig tayong mga pinoy na maghanap ng aliw sa buhay kahit mangaling pa man ito sa ordinaryong bagay, sa ordinaryong tao o sa ordinaryong mga pagkakataon. Sa mga may anak, lalu na kung ang cute cute pa ng bata, laking consuelo kaya nyan sa mga magulang pag uwi ng bahay kahit na pagod na pagod na galing sa trabaho. We draw our consolations from our relatives, friends, idols, and sometimes from God.

Sa ikalawang pagbasa ngayong ika 32 Lingong sa ordinaryong panahon, narinig natin na ang Diyos ay ang dapat nating balingan sa paghangad natin ng consuelo sa buhay, ng aliw sa buhay "dahil sa kanyang habag ay nagbigay Siya sa atin ng walang pagbabagong lakas ng loob at matibay na pag-asa sa buhay." Dapat sa kanya tayo kumukuha ng aliw, ng sigla, ng consuelo, ng buhay. Pero siguro kung nasa Leyte kayo ngayon, sasabihin nyo sa akin, hindi yan ang kailangan namin father. Ang kailangan namin ngayon ay tubig, pagkain, damit, matutulugan, at consuelo sa mga namatay naming mga kamag anak. Tama. Ganun na nga, pero hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa at paniniwala na ang Dios pa rin ang magbabalik sa atin ng sigla at saya sa kabila ng mga nangyaring ito. At lalu pa nga na dapat magkaroon din ng paniniwalang tulad ng pitong magkakapatid na lalaki sa unang pagbasa: pinatay subalit naniwala na may consuelo pagkatapos nito. Naniwala sila na may naghihintay na buhay na magpakailan man kapiling ang Diyos na maykapal. Hindi dapat mawalan ng pag-asa sapagkat tulad ng sabi ng huling lalaki na pinatay sa unang pagbasa "Ako’y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos." Di dapat tayo mawalan ng pag-asang muli tayong babangon sa mga kalunos lunos na pangyayaring ito sa ating bansa nitong mga nagdaang buwan at araw. Tutulungan tayo ng Diyos.

Bakit kailangan, mag abang, maghintay, magkaroon ng hope na may bukas pa, na may buhay pa din na maganda after all of these? Dahil ang Diyos natin ay Diyos ng mga buhay na may kapangyarihan na magbigay sa atin ng buhay dito sa mundo at sa kabilang buhay. Ang ating "Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay." Ang pagkabuhay na muli ay masasabi nating consuelo de bobo ng pitong lalaking pinatay sa kwento na ibinahagi sa atin mula sa aklat ng Macabeo. Ang pagkabuhay na muli ang nag "aliw" sa kanila upang sila ay magpaubaya na patayin sa ngalan ng Diyos. Ang pagkabuhay na muli ang consuelo de bobo ng Dios para sa ating lahat na dumudulog sa kanya, sa ating lahat na namuhay ng kalugod lugod sa kanya, sa mga mamatay alang sa pangalan nya. At ang mga salungat dito ay walang consuelo de bobo na pagkabuhay na muli kagaya ng nasabi ng lalaki na "ikaw, Antioco, ay walang pag-asang mabuhay uli". Siguro consumisyon sa impyerno ang katapat nito.

Kung ang iyong source ng iyong aliw, ng iyong consuelo ay ang Dios, hindi mo na kailangan ang iyong mga kaibigan, mga pamilya para maging masaya sa buhay, at lalu na sa kabilang buhay. Hindi mo na kailangan ang iyong asawa para maaliw. Dahil ang Diyos ng buhay na "buhay" ay ang magbibigay sa iyo ng ligaya. Kung kayat hindi mo na kailangan ang pitong lalaking napangasawa na hanapin pa. "Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae’y nag-aasawa, ngunit ang mga lalaki’t babaing karapat-dapat na muling buhayin para sa kabilang buhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. At sila’y mga anak ng Diyos yamang muli silang binuhay."

Ipagdasal natin mga kapatid na sana matuto tayo na sa Dios tayo kumuha ng lakas, ng aliw, ng ligaya, ng saya. Tingnan sana natin ang muling pagkabuhay na inoffer sa atin ng Poong Maykapal bilang isang consuelo de bobo para sa atin, na nagpaka "bobo" para sa Dios. At subukan sana natin na hindi lang mamuhay para sa ngayon, hindi lang para sa immediate tomorrow kundi para sa ating muling pagkabuhay. Kung kayat sikapin nating mamuhay ng matuwid, mamuhay ng maayos, mamuhay na mabuting Kristiyano habang naglalakbay pa tayo sa ating mundo. At nang sa gayon, makuha natin ang ating reward, ang ating consuelo de bobo na muling pagkabuhay kapiling ng Diyos. Sana makita natin na hindi lang ito isang ordinaryong paconsuelo de bobo kundi itoy isang napakalaking pagkaloob ng Diyos sa atin.

Saturday, November 2, 2013

Habag ng Tunay na Kapatid

photo courtesy of litratocmf
May isang video sa you tube na nailathala ko na din sa aking blog dalawang buwan na ang nakalilipas. Ang kwento ay tungkol sa isang bata na nagnakaw sa isang tindahan ng mga gamot at nahuli ng may ari. Pinapagalitan ang bata sa kalye at kinuha ang ninakaw na tatlong bote ng pain killers nang dumating sa eksena ang isang lalaki na may ari ng karenderia na malapit sa botika. Sinaway niya ang may ari ng botika at tinanung ang bata kung para saan ang ninakaw niya. Nalaman ng lalaki na para sa ina. Kinuha ang ninakaw na tatlong bote ng pain relievers, binayaran niya ang may ari ng botika at binigay sa bata kasama ang sopas ng gulay na ipinaabot sa nagdadabog na anak niya na babae. Lumipas ang tatlompung taon. Tumanda na ang lalaki na may ari ng karenderia at isang araw pagkatapos niyang magbigay ng pagkain sa pulubi, bigla na lang siyang nahilo at nabagok ang kanyang batok sa lamesa. Dinala sa ospital, malaki ang babayaran. Kung sa pera pa ng pilipinas e aabutin ng isang milyon ang babayaran sa ospital. Subalit lingid sa kaalaman ng anak na babae, ang doktor pala na gumamot sa kanyang ama ay ang noon na bata na minsang tinulungan ng kanyang ama. Ang sabi ng doktor, ang mga bayarin sa ospital ay nauna nang binayaran ng kanyang ama sa pamamagitan ng tatlong pain relievers at isang sopa ng gulay. Wala na silang utang sa ospital.

Mga kapatid, naranasan mo na bang mahabagan ng isang taong di mo inaasahan na tutulong sa iyo sa mga panahon na ikaw ay kaawa-awa, kahabag-habag? Naranasan mo na ba na matulungan sa di inaasahang pagkakataon? May habag ba ang ibang tao sa iyo? Minsan ka na bang tumulong sa kapwa mo dahil nahabag ka sa kanya? Nahabag ka na ba minsan sa kapwa mo?

Ang tema ng ating mga basahin ngayong ika tatlomput-isa na lingo sa loob ng ordinaryong panahon ay patungkol sa "kapangyarihan ng pagkahabag," the power of mercy. Ipinakita sa atin sa unang pagbasa na ang Diyos ay labis-labis ang kapangyarihan para gawin ang anuman, ngunit mahabagin parin siya sa bawat kinapal. Pi-nagpapaumanhinan Niya ang ating mga pagkukulang, at binibigyan Niya tayo ng panahong makapagsisi. Mahal niya ang lahat ng bagay, at walang hinahamak sa kanyang mga nilalang. Dahil sa pagkahabag ng Dios natin, nabigyan tayo ng pagkakataong magbago, ma "touch" matuto ding magmahal. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos at ng Panginoong Hesukristo tayo ay naligtas sa ating pagkamakasalanan sabi pa sa sulat ni San Pablo sa mga Kristiyanong taga-Tesalonica na narinig natin sa ikalawang pagbasa.

Nang dahil sa pagkahabag ni Hesus kay Zaqueo nasabi niya kay Hesus na ibibigay niya sa mga dukha ang kalahati ng kanyang ari-arian. At kung siya'y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli niya sa kanila. Isang nalaking pagbabago ang nangyari kay Zaqueo nang dahil lamang siya'y napaunlakan at na "touch" sa pagpapahalaga, sa pagbibigay habag sa kanya ni Hesus. Ang sabi pa ni Hesus: "Ang kaligtasa’y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito. Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw."

Mga kapatid, alam ko na may mga pagkakataon sa inyong buhay na napahalagahan kayo ng isang tao kung kaya't kayo'y nagbago, kung kaya't siya ang iyong pinakasalan, kung kaya't siya ay malugod mong tinangap sa buhay mo o patuloy mong tinatangap sa buhay mo. Kung minsan isang gawaing makahabagdamdamin lang ang kailangan upang ang inyong kaaway na kapitbahay ay magbago ng pagturing sa iyo. Baka naman ay kailangan mo lang matututo mahabag, magmahal, matutong "to touch somebody's heart." Kailangan mong ipakita ang pagkahabag ng isang tunay na kapatid tulad ng ipinakita ni Hesus kay Zaqueo.

Kung nais mong walang masyadong poproblemahin sa pagdating ng panahon ng iyong katandaan, sa panhon ng sakit at sakuna, ngayon pa lang, kahit 3 pain relievers lang at isang sopas ng gulay ay ialay sa iyong kapwa na nangangailangan ay hwag ipagkait na ibigay. Ang 3 pain relievers na yan at sopas ng gulay ay pwede mong itranslate sa konting bigas, sa pera, sa pagabot ng iyong kamay sa iyong kapwa. Ngayon pa lang simulan mo na ang iyong puhunan. Mahabag ka sa iyong kapwa ng tunay. Sa pamamagitan niyan ay makakatulong ka din ng pagbabago sa ating lipunan. Gayahin natin ang pagkahabag ni Hesus sa makasalanan at nang sa gayon ay mabago ng kaunti ang ating lipunan.