One time, may isang grupo ng mga kabataan ang nagtanong sa akin: “ Pads, diba sabi mo sa amin na si Hesus ay puno ng pagmamalasakit at awa. ...
One time, may isang grupo ng mga kabataan ang nagtanong sa akin: “Pads, diba sabi mo sa amin na si Hesus ay puno ng pagmamalasakit at awa. Eh bakit napaka rude niya at pinagalitan at pinalayas ang masasamang tao sa templo?” Napatigil ako sandal, tiningnan sila, at sabay sabi, mukhang iba yata yung bibliyang nabasa ninyo. Ang pagkaka alam ko sa kwento ay “gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mga mangangalakal, pati mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag” at hindi sa nagging rude siya at wala rin sinabi na masasamang tao yung pinalayas. Ang sabi ay itinaboy ang mga mangangalakal dahil nagmumukhang palengke ang Templo.
Hindi natin maiwasan kasi na kapag nagkwento tayo o nagrelate ng pangyayari, ay kung walang dagdag ay may bawas sa impormasyon kaya nagkakagulo eh. Kaya maraming fake news. Kaya maraming nagugulo kasi ang kwento natin paminsan ay kulang-kulang o sobra o kaya naman ginagawang sensational.
Siguro mas maiintindihan natin ang ating Mabuting Balita ngayong ika-3 Linggo ng Kwaresma kung titingnan natin para saan ba itong mga pinagtitinda ng mga mangangalakal sa loob ng templo at para saan yung pagpalit ng salapi.
Dahil lagi naman kayo nagbabasa sa bibliya, malamang alam ninyo na na ang mga ito ay para sa pagtugon sa mga kautusan para sa pag-aalay nila sa Diyos sa Templo. Ang mga tupa ay kailangan para sa atonement ng mga kasalanan. Kailangan ang mga kalapati ng mga mahihirap para sa purification. Nalala nyo pa ba ang two turtle doves na dala ni Maria at José nung Pasko? Kailangan palitan ang perang Romano o mga bagay bagay sa salapi na tangap sa kalakalan upang makapag alay ng tama sa templo. Alalahanin natin na mula sa iba’t-ibang lugar ang mga pumupunta sa templo upang manalangin at mag-alay bilang pagtugon sa mga ipinapatupad na mga kautusan. Mga kautusan na maliban sa sa Sampung Utos na ating napakingan sa unang pagbasa ay marami pang dagdag. May sampung utos na, dinagdagan pa ng kung anu-ano hangang sa naging 613 lahat lahat ng mga kautusan na dapat sundin ng isang tapat na judio.
So wala naman palang KAKAIBA at mali sa pagdala nung mga hayop at pagpalit ng pera dahil kailangan ang mga ito sa pagsunod ng mga kautusan sa templo pads! E bakit ganun ang ginawa ng Panginoon?
Una sa lahat, kung babasahin ang orihinal na texto sa Griyego, yung paghagupit ay ginawa lang sa tupa at sa baka at hindi sa mga mangangalakal. Ang hayop na iaalay lang ang hinagupit. Parang yung sa mga probinsya diba, para pagalawin yung kalabaw o baka ay hinahagupit ng lubid. Lahat ipinagtabuyan palabas ng templo. Isinabog din niya ang salapi at pinataob ang kanilang mga hapag. Pinaalis din ang mga nagbibili ng kalapati.
May point din naman kung sasabihin natin na tama lang din naman na paalisin dahil nagmumukhang palengke na ang bahay ng kanyang Ama. Maingay, hindi dahil sa dasal kundi dahil sa kalakal. Naging sentro ng templo ang relasyon ng mangangalakal at mananampalataya imbes na ang relasyon ng mananampalataya at ang Diyos. Tama lang na linisin ang worldly activities at ibalik sa kung ano ang essence ng lugar. Naging sentro lang din ng pagpunta sa templo ang sa pagsunod sa utos, mekanikal. Ito nga din ang dahilan bakit may mga mangangalakal doon dahil kailangan yung mga ibon, hayop at pera sa pagtupad sa mga utos. Basta gawin yung prescribed, yun na.
Hindi dapat nakatuon ang isip ng tao sa kung ano ang i-alay o papaano makapag-alay at pagsunod sa inuutos kundi roon sa sarili na ihaharap sa Diyos, kung kaaya aya ba, may pagsisi ba at pagbabalik loob sa Diyos. We don't observe the commandments para makuha ang pabor ng Diyos kundi ito ay para mamuhay tayo na naayon sa kagustuhan ng Diyos.
Subalit mababaw lang ito na kahulugan ng Ebanghelyo na ating napakingan. Mas makahulugan siguro, lalu na’t nasa panahon tayo ng Kwaresma, pagunita sa pag-aalay na ginawa ni Hesus para sa ating lahat, kung ang dahilan kung bakit itinaboy ni Hesus ang mga animal at mangangalakal ay DAHIL IBA SIYA! HINDI SIYA BASTA LANG SIYA! Di gaya ng iba jan, kagaya lang nga iba. NAIIBA pero hindi others.
Itong si Hesus ay iba! Gaya ng sabi ng ikalawang pagbasa, “Siya ang katitisuran sa mga Judio at kahangalan para sa mga Hentil. Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griego, si Kristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit kaysa lahat ng karunungan ng tao, at ang inaakala namang kahinaan ng Diyos ay lakas na higit sa lahat ng kalakasan ng tao.”
HINDI NA KAILANGAN NG MGA HAYOP NA IAALAY AT PERANG IPANGBIBILI NG ALAY DAHIL SI HESUS ANG I-AALAY MAGPAKAILAN MAN! Siya ang kordero ng Diyos na nagaalis ng kasalanan ng lahat. Dadanasin din niya ang paghagupit, ang pag ihaw kung sa bisaya pa. Para saan pa ang “two turtle doves” para matubos ang unang anak, kung ang Anak ng Diyos na ay ang siyang magtutubos sa ating lahat. Hindi ba mas makahulugan ito? Mas nakakakonect sa “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.”? Hindi ba mas maiuugnay natin ito sa Byernes Santo at sa araw ng Muling Pagkabuhay? Hindi ba mas nagbibigay ito ng malalim na kahulugan ng kanyang pag-aalay ng sarili?
Sa ating Ebangehelyo ngayon, ipinapakita ang pagfulfill ni Hesus sa mga inaasahan na nabangit ng mga propetang si Malachi at Zechariah. Kaya nainis kay Hesus ang mga may posisyon at lider ng religion ay dahil lumalabas na bumabalga si Hesus sa mga utos ng relihiyon na kanilang pinaniniwalaan. IBA KASI E! Nagpaparamdam ng pagkaawa, pagtangap, pagintindi, pakikiramay sa mga taong nasasaktan, nasira ang relasyon sa kapwa tao at sa Diyos. IBA! Naalala ko na naman tuloy mga kritiko kay Pope Francis at ang kanyang mga binitiwang salita at pinirmahang dokumento na nagpapakita ng steadfast love and mercy, ng pagmamahal at awa sa mga nilalang ng Diyos pero nagdadala ng eskandalo sa mga nasa posisyon at maging sa mga gusto na sila lang ang tama at walang puwang ang Diyos para sa iba. Anyway.
Sa mga darating na araw, patuloy natin mapapakingan o mababasa sa liturhiya ng simbahan ang nabubuong tensyon at ang ministry ni Hesus na magchachallenge at kukwestyonin ang mga batas ng relihiyon sa kanyang panahon. Jesus' teachings will drive out greed, hypocrisy, and legalism from religious practices, and he will establish a new and holy temple, which will be his body. At ang Templong ito ay magdudulot ng bagong relasyon sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan.
Ang pag-aalay ni Hesus ng kanyang sarili ay IBA! Ang pagapalayas ng mga hayop at pagpataob ng mga mesa ng pera na ginagamit sa pag-aalay ay hindi na kailangan. Ang kanyang one-time self-offering sa Krus ay ang kapalit ng lahat ng mga alay na ito. Si Kristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Siya ang Kordero ng Diyos na nagaalis ng kasalana sa sanlibutan. Siya ang nagdala ng bagong pananampalataya. Siya ang nagdala ng bagong relasyon ng tao at ng Diyos Ama.
At dahil sabi nga natin na ang Kwaresma ay 40 days catechesis para sa binyag na magaganap sa Easter, ang pagbibinyag sa ngalan ni Kristo ay nag dadala sa atin ng bagong relasyon sa ating Diyos. Nagiging mga anak din tayo ng Diyos at hindi na natin kailangan ng mga alay upang tayo ay tubusin dahil ginawa na ni Hesus na ating kapatid ang one-time big time sacrifice para sa lahat. Ang kailangan natin ay imentain ang bagong relasyon na dala nito sa pagitan natin at ng ating Diyos Ama. KAYA WAG KANG MAG-IIBA!
No comments