Page Nav

HIDE

Pages

Paghahanap, Pagsamba, Pagbabago (Enero 4, 2026: Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon)

Magandang umaga po sa inyong lahat. Tapos na ang putukan noong Bagong Taon. Marahil marami sa atin ang nagliligpit na ng Christmas decoratio...

Magandang umaga po sa inyong lahat.

Tapos na ang putukan noong Bagong Taon. Marahil marami sa atin ang nagliligpit na ng Christmas decorations. 'Yung iba, balik na sa trabaho, balik sa dating gawi. Parang tapos na ang Pasko.

Pero ang sabi ng Simbahan ngayon: "Teka muna, hindi pa tapos. Kayo kasi ang aga aga ninyo nag diriwang ng Pasko, September 1 pa lang may Jose Mari Chan na agad kayo. Teka lang! Ngayon pa lang ang grand reveal." Ang Epipanya ay ang pagpapakilala ni Hesus hindi lang sa mga pastol sa Bethlehem, kundi sa buong mundo.

Sa Ebanghelyo, nakita natin ang tatlong Mago—mga taong mayaman, matatalino, at galing sa malayo. Sila ang ating modelo ngayon. Kung gusto nating maging makabuluhan ang ating Kristiyanismo sa taong 2026, tingnan natin ang kanilang paglalakbay. Maaari nating ibuod ang kanilang ginawa—at ang dapat nating gawin—sa tatlong letrang "P": Paghahanap, Pagsamba, at Pagbabago.

Ang unang "P" ay PAGHAHANAP. Sabi sa unang pagbasa mula kay propeta Isaias: “Balot ng kadiliman ang lupa, at makapal na ulap ang tumatakip sa mga bansa.” Ramdam po ba natin ito? Minsan, kahit maunlad ang teknolohiya ngayong 2026, parang balot pa rin tayo ng kadiliman—kadiliman ng problema sa pamilya, alalahanin sa pera, o 'yung pakiramdam na parang may kulang sa buhay kahit okay naman ang lahat.

Sa Ebanghelyo, si Haring Herodes at ang mga eskriba ay nasa Jerusalem. Alam nila ang kasulatan, alam nila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. Pero nakaupo lang sila. Kampante. Hindi sila naghahanap.

Pero ang mga Mago, kahit nasa malayo, kahit nasa kadiliman, aktibo silang naghahanap. Nakita nila ang tala, at kumilos sila.

Mayroon akong kuwento tungkol kay Mang Lito. Si Mang Lito ay isang matagumpay na negosyante. Nabibigay niya ang lahat ng luho ng kanyang pamilya. Pero dahil sa sobrang busy, naging estranghero siya sa sarili niyang bahay. Umuuwi lang siya para matulog. Isang gabi, umuwi siyang lasing at mainit ang ulo. Nakita niya ang kanyang bunsong anak na si Mia, limang taong gulang, na nagdodrawing sa sala. Nasigawan niya ito dahil makalat ang mga krayola. Tumakbo si Mia na umiiyak.

Nung mahimasmasan si Mang Lito, nilapitan niya ang drawing ng bata. Isang simpleng drawing ng bahay, may nanay, may mga bata, at may isang malaking araw. Pero walang tatay. Tinanong niya ang kanyang asawa, "Bakit walang tatay sa drawing?" Ang sagot ng asawa niya, "Kasi Lito, hindi ka na niya nakikita."

Doon tinamaan si Mang Lito. Siya ay nasa kadiliman ng kanyang sariling ambisyon. Ang drawing na 'yon ang naging "tala" o star niya. Nagsimula siyang maghanap—hindi ng pera, kundi ng nawalang koneksyon sa kanyang pamilya.

Mga kapatid, ano ang hinahanap mo ngayong 2026? Kagaya ka ba ni Herodes na kuntento na sa alam niya? O kagaya ka ng mga Mago na handang maglakbay para hanapin ang tunay na liwanag?

Ang ikalawang "P" ay PAGSAMBA. Nang makita ng mga Mago ang sanggol, ano ang ginawa nila? Sabi sa Ebanghelyo, “nagpatirapa sila at sumamba sa kanya.”

Isipin niyo po: Mga disenteng tao, naka-uniporme ng mayayaman, gumapang sa lupa sa harap ng isang mahirap na sanggol. Ibinaba nila ang kanilang pride. At naghandog sila ng ginto, kamanyang, at mira.

Ang tunay na pagsamba ay hindi lang pag-attend ng Misa tuwing Linggo. Ang tunay na pagsamba ay ang pag-aalay ng kung sino tayo—ang ating "ginto" (ang ating yaman at talento), ang ating "kamanyang" (ang ating oras at panalangin), at ang ating "mira" (ang ating mga kahinaan at sakit).

Balikan natin si Mang Lito. Matapos niyang makita ang drawing, pumasok siya sa kwarto ng anak niyang si Mia na natutulog na. Lumuhod siya sa tabi ng kama ng bata. Umiyak siya. Iyon ang kanyang pagsamba. Hindi ginto ang dala niya, kundi ang kanyang pagsisisi. Inalay niya ang kanyang "mira"—ang pag-amin na nagkulang siya bilang ama. Hinalikan niya ang noo ng anak at bumulong, "Sorry anak, babawi si Papa."

Ito ang hamon ng Epipanya: Kaya mo bang lumuhod at ibaba ang iyong pride sa harap ng Diyos? Kaya mo bang ialay hindi lang ang iyong barya, kundi ang iyong buong puso?

At ang huling "P" ay PAGBABAGO. Ito ang pinakamahalagang bahagi ng kwento ng mga Mago. Sabi sa dulo ng Ebanghelyo: “At dahil binalaan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, nag-iba sila ng daan pauwi sa kanila.”

Nag-iba sila ng daan. They went home by another way.

Hindi ka pwedeng makatagpo kay Hesus at manatiling pareho. Kung tunay mo Siyang nasumpungan, magbabago ang direksyon ng buhay mo. Hindi ka na pwedeng bumalik sa dati mong gawi—sa dati mong bisyo, sa dati mong katamaran, sa dati mong masamang ugali. Hindi ka na pwedeng bumalik kay "Herodes."

Ano ang nangyari kay Mang Lito? Kinabukasan, hindi na siya nag-overtime. Umuwi siya nang maaga para maghapunan kasama ang pamilya. Tuwing Sabado, tinigilan niya ang pag-iinom kasama ang barkada; sa halip, naglalaro sila ng mga anak niya.

Nag-iba siya ng daan. Hindi na daan papunta sa puro trabaho at bisyo, kundi daan pauwi sa puso ng kanyang pamilya. Iyon ang tunay na Epipanya sa buhay niya.

Mga kapatid, ang Kapistahang ito ay hindi lang pag-alala sa nakaraan. Ito ay hamon sa ating kasalukuyan.

Ang Tala ay nagniningning pa rin. Ang Hesus na Sanggol ay naririto sa Eukaristiya.

Kaya tanungin natin ang ating sarili sa pagsisimula ng taong ito: Handa ba akong MAGHANAP sa Kanya sa mga lugar na hindi ko inaasahan? Handa ba akong SUMAMBA at ialay ang aking pride at kahinaan? At kapag natagpuan ko na Siya, handa ba akong MAGBAGO at tahakin ang bagong landas na ituturo Niya?

Huwag nawa tayong matapos lang sa pagtingin sa tala. Sundan natin ito, hanggang sa tayo mismo ay maging liwanag din para sa iba.

Amen.


 

No comments