Page Nav

HIDE

Masaya Ka Ba Ngayong Pasko?

Isang lingo na ang nakalilipas nang mag post ako sa aking Facebook wall ng aking wishlist for Christmas. Makalipas ng ilang oras ay mayro...

Isang lingo na ang nakalilipas nang mag post ako sa aking Facebook wall ng aking wishlist for Christmas. Makalipas ng ilang oras ay mayroon nang mga tao na nangako na tutupad ng mga wishes ko. Two days after natangap ko na ang karamihan sa mga naka lista sa wish. Kasama na doon ang pag galing ng isang may sakit. Masayang masaya ako sa nangyari at sa ipinakitang generosity ng mga tao. Sapat na sa akin ang mga yaon upang maging masaya ang aking Pasko ngayong taon. Marami pang iba't ibang mga bagay na nagdadala ng ligaya sa buhay ko. Ilan lang yang mga yan.

Kayo, ano ang nagbibigay sa iyo ng kasiyahan? Anong wish mo ngayong Pasko?

Ngayong ika tatlong Lingo ng Adbiyento, na tinatawag ding Gaudete Sunday ay inaanyayahan tayo hindi lamang sa maging masaya sa paghihintay sa Pasko, kundi tingnan na din kung anu-ano ang mga pinagmumulan ng kaligayahan mo. Tingan din natin kung ano ang tunay na makapaliligaya sa iyo.

Ang mga regalo, mga bagay bagay ay panandalian lang na makapagbibigay sa atin ng saya at ligaya sa buhay. Hindi ito nagtatagal. Kung binigyan ka ng limang daan ng ninang o ninong mo, pagnaibili mo na yan ng pagkain, wala na, tapos na ang kasiyahan mo. Kung may natangap kang gamit para sa bahay, pag nasira na yan, tapos na din ang kaligayahan mo. Kung nanalo ka sa lotto bago magpasko, pagnaubos na yan, tapos na din ang maliligayang araw mo.

Ang ligaya na tumatagal, ang saya na nananatili sa ating mga puso at pagkatao ay yung mga ligaya na dulot ng relasyon natin sa kapwa tao at sa ating Panginoon. Ang ligaya na lubos ay makukuha lang natin sa pamamagitan ng RELASYON. Gawin na lang nating halimbawa ang mga kabataan o kahit kayo, nung inlove, walang pakialam kung hindi makakain, di makatulog, basta makatext lang, maka chat, maka usap at mkasama ang kalaguyo o karelasyon. Masaya, maligaya kahit malipasan ng gutom dahil sa may KA-RELASYON.

At ang pinakamalaking relasyon na magbibigay din sa atin ng malaking kasiyahan ay ang RELASYON NATIN SA DIYOS. Masaya tayo ngayong Pasko, at nagagalak tayo na maghintay sapagkat ang paparating ay ang karelasyon natin na si Jesus. Si Jesus na nagbigay ng muling pagkakita ng mga bulag. Si Jesus na nagbigay ng muling pagkakataon na makapaglakad ang mga pilay. Si Jesus na binigyan ng muling pagkakataon na makarinig ang mga bingi. Etc. etc

Kapag hindi maganda ang relasyon natin sa Dios, di rin maganda ang relasyon natin sa kapwa tao, di rin maganda ang relasyon sa loob ng bahay, at di masaya ang pamilyang ito. Siguradong magulo ang pamilya kung ang isang miyembro ay walang pagkiling at walang malalim na relasyon sa Dios.

Kumusta ang iyong pamilya? Masaya ba sa bahay? Kumusta ang relasyon ninyo sa pamilya? Maganda ba ang relasyon ninyo? Nag-uusap usap pa ba kayo sa bahay ninyo? Baka naman, ngayong Pasko ay kailangan mong ayusin at kumpunihin ang relasyon na unti unting naglalaho upang maging lubos na maligaya ang inyong Pasko. Hindi lang pagbabago sa sarili ang kailangan natin ngayong Pasko, tulad ng pagbabago na sinasabi ni Juan Bautista, kundi pagbabago din tungo sa maayos na pakikipag relasyon sa minamahal mo, sa dati mong mahal, o sa mamahalin mo pa lang.

Ang Ikalawang pagbasa mga kapatid ay magbigay sa atin ng isang idea o sekreto para maayos o mapanatili ang relasyon natin sa kapwa at sa Dios. Kung wala nito, patay kaagad ang relasyon mo. Kung wala nito hindi magiging masaya ang buhay mo. At ito ay ang pagiging PASENSYOSO/A na tao.

Ang PAGPAPASENSYA ay nagdadala ng kaligayahan sa tao. Kung wala kang pasensya, kukunot lagi ang iyong ulo, kukulubot kaagad ang iyong mukha, magiging pangit na pangit ka at lagi kang pagsasabihan ng iba "ay ang pangit na nga ng mukha, wala pang pasensya."

Masaya ka ba sa iyong buhay? Baka naman kailangan mo lang na matutong MAGPASENSYA sa iyong ANAK, sa iyong ASAWA, sa iyong KALAGUYO, sa iyong PARTNER, sa iyong MAGULANG, sa iyong BOYFRIEND o GIRLFRIEND para maging masaya ka simula ngayong Pasko.

Hingiin natin sa Panginoon, sana nawa ay matutu tayong magpasensya, maghintay, mapangunawa upang ang ating mga relasyon ay maging matatag at nang sagayon ay tuloy tuloy ang ating ligaya. Mapagpasensya nating ipagdasal sa Dios na sana tayo ay bigyan ng ligaya na hindi panandalian lang. Ipagdasal ninyo sa Panginoon na sana maging malakas, matatag ang inyong pagsasamahan upang maging masaya kayo magpakailanman. Ipagdasal ninyo sa Panginoon na sana ay bigyan kayo ng pasensya sa mga taong nagdudulot ng sakit ng ulo sa inyong buhay.

At ipinagdarasal ko na sanay matupad ito sa inyo ngayong Pasko.


No comments