Page Nav

HIDE

Gutom

Gutom si Eva nung siya ay tinukso at nagpadala. Gutom si Jesus nung siya'y tinukso, buti nalang at di nagpadala. Kaya sabi ko, bakit ka...

Gutom si Eva nung siya ay tinukso at nagpadala. Gutom si Jesus nung siya'y tinukso, buti nalang at di nagpadala. Kaya sabi ko, bakit kailangan mag fasting kung ang pagkagutom lang din pala ang magdadala sa tao sa pagkakasala. Diba dapat "Hala! Magsikain kayo at nang sa gayon kung dumating man ang yawa e di hindi kayo bibigay." Hindi ho ba?

Nung second year ako sa seminaryo gustong gusto ko ang asignatura ng Filipino 3 hindi lang dahil sa maganda at mabango naming propesora kundi dahil na din sa mga pelikula na malimit nya sa amin ipapanood at gagawan ng kritiko pagkatapos. Hindi kasi pwede ganun kadalas manuod ng mga pelikulang patok sa madidilim na takilya. Ang malimit kong konklusyon sa bawat pelikula ay nangyari ang prostitusyon, ang pagpatay, ang panloloko, karahasan, ang pang aapi etc etc dahil sa kahirapan ng buhay. Tama nga naman at yun naman ung mga realidad na naipakita sa mga kwento sa pelikula. Ang tataas nga ng mga marka ng mga papers ko noon.

Subalit kagabi habang pinagninilayan ko ang sasabihin ko sa misa ngayong unang linggo ng kwaresma, aking napagtanto, ay teka, mukahang hindi ata ang kahirapan ang sadyang dahilan kung bakit nangyari yung mga yaon sa pelikula at kung bakit ganyan din ang mga nangyayari hangang sa mga panahon ngayon. At aking nakita na hindi lang naman ang mga mahihirap ang pumapatay, nanglilinlang, nang gagago sa kapwa tao, nagpapabastos at binabastos kundi pati din naman ang mga may kaya at mga malalaking tae.

PAGKAGUTOM nga talaga ata kapatid ang sanhi ng lahat ng ito. Kasi kung gutom ka, mahirap man o mayaman ka, ang tendency mo ay maghahanap ka ng maipupuno sa iyon tiyan. Kung gutom ka, maghahanap ka ng pagkain at minsan kakapit ka na lang sa patalim para lang mapunuan ang sikmurang walang laman. Kung gutom ka sa pera, gagawa ka ng paraan, masama man o maayos upang mapunuan ang iyong kaban at dagdagan, ng dagdagan hangang sa ikaw na ang pinakamayaman. Kung gutom ka sa posisyon, gagawin ang lahat, hahamkin ang lahat makaluklok ka lamang at nang mapunuan ang pagkagutom sa kapangyarihan. O diba't hindi lang mga mahihirap ang gumagawa nyan. Karamihan pa nga ay ang mga maykaya.

Ang tukso ay nanjan lang sa tabi. Palaging handa na tuksuhin ka. Nasa saiyo na kung magpapatukso ka at magpapadala sa pagkagutom sa pera, sa pagkain, at sa kapangyarihan. Itong mga ito ang mga inaasam asam natin sa buhay. E sino ba naman ang hindi gustong yumaman? Sino ba naman ang di gustong kumain ng masasarap na pagkain? Sino ba naman ang di gusto na maging isang "kinauukulan". Mga adhikain, mga pagnanais sa buhay na kung bigla tayong kalabitin sa yawa, ayun na... wala na si Dong at si Inday.

Bagamat gutom tayo, makinig lang sana tayo sa mga tagubilin ng Poong Maykapal. Bagamat gutom tayo, manatili sana tayong firm sa ating pagdarasal. Bagamat gutom tayo, matuto sana tayong hindi mangarap ng sobra sobra kundi yung tamang tama lamang, sapat lang upang ikaw ay mabuhay at ang iyong kapwa ay mabuhay din. Bagamat gutom tayo, hindi sana tayo maghangad na makalamang sa ating kapwa tao, sa ating mga kapitbahay, sa ating mga kapatid kay Kristo.

Gutom ka ba kapatid? KAIN PLEASE! Hindi kita tinutukso na hindi magfasting, kundi ang ibig ko lang sabihin, busugin mo ang sarili mo ng mga aral na nakakabuti sa iyong katawan, kaluluwa at sa kapwa tao. Busugin mo sana ang iyong sarili sa mga pagtulong sa iyong kapwa at ibahagi kung anu man ang meron ka. Busugin mo sana ang iyong sarili sa pagmamahal at pagtuturing na kapatid sa iyong kapwa ngayong kwaresma. Mag fasting ka sana sa pagkasakim sa pera, sa pagkaganid sa pagkain, at sa paniniwalang mas mataas ka kesa sa iyong kapwa.

1 comment