Page Nav

HIDE

Lodi

SINO KA? “Sino po sila?” Tanong na depende sa pagkakabangit at pagkakasabi ay pwede magdala ng saya o makairita sa atin. “Anong karapata...

SINO KA? “Sino po sila?” Tanong na depende sa pagkakabangit at pagkakasabi ay pwede magdala ng saya o makairita sa atin. “Anong karapatan mo para magsalita ka ng ganyan?” “Sino ka para kutyain mo ang aking mga gawain?” “Sino ka para pangunahan ako?” “Sino ka para sabihan mo ako ng ganito?” – Mga salitang malimit natin bangitin kapag may baguhan at bigla tayong pinakailaman sa nakagawian na natin. [Excited mode on] “Ay sino to?” “Sino sya” o diba kapag ganyan ang pagkasabi ay excited at may halong saya. E pag ganito: “Sino to?” “Sino yan?” “Kung maka asta e…” tas sabay taas ng kilay ng mga matataray. "Sino ka?" - isang tanong na nangangailangan ng sagot ng pagpapakilala.

Sa korte at sa anumang pagtatalo, hindi ba’t kailangan mo ng isang taong witness na may dangal at kapanipaniwala para paniwalaan at manalo ka sa ipinaglalaban mo? Sa mga producto na gamit ninyo sa pagpapaputi o pagpapaganda, syempre bibilhin nyo ung inendorse ng isang kilala at tunay ngang maganda sa inyong mga mata. Sino naman ang bibili ng whitening cream kung ang nageendorse ay ang itim. Dapat may credibilidad. Dapat yung totoong lodi.

Sino ka? Ang tanong ng mga tao kay Juan. Basta lang din kasi sumulpot na parang kabute tas bigla na lang nangbibinyag. "Sino ka?" "Anong karapatan mo para magbinyag?" "Anong karapatan mo para sabihan kami na magbago at magsisi sa aming mga pagkukulang?" At ang malupit “anong alam mo?” Malamang ito yung mga tanong ng mga nakatataas at nasa autoridad, ng mga saserdote at Levita kay Juan. Mga tanong ng pagdududa, mga tanong na nakakabahala, mga tanong na may mga pagbabadya.

At anong sabi ni Juan kung sino siya? Ang sabi nya ay hindi siya ang Mesiyas, hindi siya ang Panginoon. Ang sabi pa niya: “Ako ang tinig ng isang sumisisgaw sa ilang: tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!”. At nang tanungin siya, e kung wala ka naman palang “K”, e ba’t nagbibinyag ka?, ang kanyang sagot ay: “Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo …ang susunod sa akin…hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang panyapak.

Honest si Juan. Lodi. Di niya inangkin ang papel ni Hesus. Nirecognize niya kung sino talaga siya. Ang iba diyan ay mapagsamantala. Hindi ba’t ito’y isang magandang bagay na dapat nating ikatuwa. Kapag may isang taong toto sa kanyang sarili, nagbibigay ito ng saya at tuwa. Sino sa inyo ang masaya kung naloko kayo at napeke ng ibang tao? Nabiktima ng peke na recruiter? Kapag naloko ng isang nagpapangap na tao bilang kaibigan mo, kakilala, …karelasyon?

Hindi si Juan ang ilaw. Hindi niya inangkin ang pagiging “ang araw”, kundi isa lamang siyang kagaya ng “buwan” na nirereflect lamang ang liwanag na nagmumula sa araw upang may konting liwag sa gabing madilim. Ang buwan ay isa lamang na tagapagpatotoo na may araw sa kabila ng gabi. Alam niya na hindi siya ang Mesiyas, “ang araw” na pinagkukunan ng liwanag ng buwan. Si Hesus ang ating tunay na tanglaw, ang parol, ang Christmas light, ang star ng buhay natin. Kung kaya’t sa twing makakakakita tayo ng parol o tala sa bintana o mga christmas lights na kumukutitap, hindi lang po ito mga palamuti at pang-gayak. Ito’y mga pagpapaalala sa tunay na ilaw na pinagpatotoohan ni Juan Bautista. Ito’y pagpapa-alala na tayo’y dapat maging merry dahil Pasko na. Ito’y nagpapaalala sa liwanag na dala ng pagkasilang ni Kristo sa ating mundo.

SINO KA? Ibalik ko ulit ang tanong. Pwes ikaw ay isang Kristiyano na inaanyayahan na maging katulad ni Juan na tagadala ng saya, taga dala ng ilaw sa buhay ng iba. Inaanyayahan tayong lahat ngayong ika-tatlong Linggo ng Adbyento na dalhin at magpatotoo sa Star ng buhay natin na si Kristo.

Papaano? Una, magpakatotoo ka. Tama na ang pagpapangap. Ipakita mo ang totoo mong ikaw at iwasan ang pagbabalat kayo simula ngayong Pasko.

Pangalawa, maging tagapagdala din tayo ng magandang balita sa iba. Hindi yung puro chismis ang dala na nagdudulot lang ng problema sa komunidad at sa buhay ng iba. Kagaya ng propeta Isaias sa unang pagabasa, dapat tayo rin ay manabik na maghatid ng “magandang balita sa mga dukha at sugatan, mga bihag at mga bilango”. Kung sa atin pa, maghatid ng saya sa mga walang pamasko o hindi merry ang christmas; sa mga walang maipadala sa pamilya; sa mga nahihirapan sa buhay at may mga problema; sa sugatan na mga puso dulot ng pangyayari sa mga anak, sa asawa, at sa pamilya na naiwan sa bayang pinangalingan; sa mga hiniwalayan ng mahal sa buhay o namatayan; sa mga bihag ng utang; sa mga bilango ng droga at iba pang uri ng adiksyon sa buhay.

At pangatlo, gaya ng sabi ng ikalawang pagbasa, “magalak kayong lagi: maging matiyaga sa pananalangin. Ipagpasalamat sa pangalan ni Krito Jesus ang lahat ng pangyayari…suriin ang lahat ng bagay at pulitin ang mabuti … lumayo sa lahat ng uri ng kasamaan.

SINO KA? IKAW AY LODI KAGAYA NI JUAN, TAGAPATOTOO SA TUNAY NA LIWANAG SA KAPWA MO AT SA BUONG MUNDO
. Hindi ka basta na lang sinuka dito sa mundo.

No comments