Sa tuwing magbabrownout, yamot na yamot tayo sapagkat nagdudulot ito ng maraming inconvenience sa atin. Isa na rito yung walang ilaw ...
Sa tuwing magbabrownout, yamot na yamot tayo sapagkat nagdudulot
ito ng maraming inconvenience sa atin. Isa na rito yung walang ilaw lalo na kapag
gabi. Kapag walang kuryente, walang ilaw, nakakabagot, nakakapalungkot. Maliban na lamang doon sa mga may mga
modus sa gabi at sa mga tuwang tuwa at madilim sa gabi. 😊
Ang ilaw nga
naman ay sadyang nagdadala sa atin ng saya. Gaya na lang kapag Pasko, diba’t
kapag maraming ilaw na kumikutikutitap ay natutuwa tayo (bagama’t pagdating ng
bill ay nakakunot na ang noo). Kapag may araw, may sinag ng araw, masaya
ang paligid, buhay ang lahat, masigla ang mga tao. Di ko lubos maimagien ang
buhay sa north at south pole na 6 na buwan walang araw, walang natural na ilaw
kapag panahon ng taglamig. Napakalamig din siguro ng buhay, relasyon at pamumuhay ng tao kapag ganun.
Ang ilaw ay nag-aatract ng tao. Minsan nga curious tayo pag may ilaw na biglang lumitaw sa isang
bahagi ng bundok o ng kalupaan o sa mdilim na lugar. Gusto nating silipin, usisain anu yun. Huwag lang magkatakutan. Kapag may mga alitaptap na
nagniningning sa punuan ng manga o kakahuyan, hindi baga e ang gandang
pagmasdan. Ang iba’y gustong lapitan, hawakan. Mapatao mapahayop o insecto attracted sa ilaw, sa liwanag. Gaya
ng tungaw. Sa mga alam ano ang tungaw,
alam nyo na papaano ito paalisin sa kanyang pinasukan, hulihin at palayain. 😊
Naalala ko tuloy
ang kuwento tungkol kay Doña Teodora at Gat Jose Rizal nung si Rizal ay bata
pa. Yung kuwento ng gamugamo at ang lampara. Habang nagkukwento ang kanyang
nanay tungkol sa mag-inang gamugamo, ay kasalukuyan namang nagmamasid si Jose
sa isang gamugamo na paikot-ikot sa lampara – gamugamo na nabighani ng liwanag.
Bagama’t mapanganib gaya ng nasa kwento ni Teodora ay lumapit, nasunog ang
pakpak, namatay. Sa huli’t huli sinasabi na maikukumpara ang buhay ni Rizal sa
gamugamo na sa kanyang paghahanap ng liwanag para sa bayan ay isinugal niya ang
kanyang buhay upang makalapit sa liwanag na kanyang inaasam sa inang bayan.
Sa ating mga napakingan na mga basahin ngayong araw na ito
ay ilang ulit natin napakingan na binangit ang LIWANAG. Mapa sa sinabi pa man
ng propeta at sa sinabi ng sumulat ng Ebanghelyo, ang tinutukoy nil ana LIWANAG
na dumating at umakit ng pagkadami, ay walang iba kundi si Jesus. Si Jesus ang
liwanag na inulit ulit natin sinabi nung panahon ng kapaskuhan. Ang liwanag na
nagningning, gumabay, nagpakita, nagpamalas, nagbigay liwanag, nagbigay saya sa
mga nasa dilim.
Kagaya ng mga gamugamo naghahanap at lumalapit sa liwanag,
ANG SINO MANG LUMAPIT DIN SA LIWANAG NA ITO AY SIGURADO RING MAMAMATAY. Subalit
hindi lang kagaya ng physical na pagkamatay ni Rizal sa mithiing makamit ang liwanag para sa
bayan, kundi ito’y isang kamatayan sa nakaraan at sa dating ikaw. Ang
sino mang lumapit sa LIWANAG ay mababago ang buhay, mag-iiba sa dating
pamamaraan. Namamatay kay Kristo at nabubuhay muli kay Kristo. Kapag Siya kasi
ang nagbibigay liwanag sa ating isip at puso, claro at hindi malabo. Masakit
nga lang paminsan dahil masakit naman talaga ang katotohanan pero ang kapalit
naman nito, isang makabuluhang buhay sa pagbabago.
Nakakamangha na ang mga tinawag ni Jesus bilang
kanyang mga alagad, mga unang tagasunod ay mga taong mangingisda. Hindi baga’t
ang pangingisda ay isinasagawa sa gabing madilim at ang gamit nila ay… lampara,
ilaw, LIWANAG upang makahuli ng kumpol kumpol na mga isda. Ang mga isda ay lumalapit sa liwanag.
Kung kaya’t nasaan man ang may liwanag, nandoon ang mga isda.
Ang mga unang tinawag ni Jesus ay mga taong gumagamit ng
LIWANAG sa kanilang propesyon, sa kanilang paghahanapbuhay, sa kanilang
pamumuhay. Kung kaya’t ang pamamalakayo ni Pedro, Andres, Juan at Santiago ng
mga tao, ng mga taga sunod ng kanilang Master na si Jesus, ang tangi lamang
nilang gagawin ay gamitin ang prinsipyo sa pangingisda, gamitan ng ilaw upang magtumpok
ang mga isdang huhulihin. Sa makatuwid, pasigain, gawing ilaw, bitbitin si Kristo
at magsilbing LIWANAG upang ang mga tao ay sumunod at magkatumpok, magkaisa.
Tanglaw - Isda. Kristo - Tao. Kaso paminsan kagaya ng mga isda, basta
makakita ng maliwanag sugod agad sa malapit dito, kahit na ang liwanag
na nabanaag natin ay mula sa ibang liwanag at hindi ni Kristo. Kaya paminsan napapahamak tayo.
Si Kristo ang nagbubuo, nag papa-isa,
nagpapakumpol at hindi si Pedro, hindi si Pablo, at hindi si ako. Ang matinding
presence ni Kristo sa mga tinawag niya ay ang naghihikayat ng maraming tao,
nagaatract ng naniniwala o hindi man naniniwala sa Diyos. Kagaya lang nung ang LIWANAG na ito ay ang siyang naglakad lakad sa mundo - nabunyi sa Mabuting Balita, sa Kaharian ng Dios, nagpagaling sa mga may sakit, nagturo, nangaral - mga bagay na nagdulot ng liwanag sa mga nakarinig nito, nakadama, nakasaksi.
Naalala ko tuloy
ang mga seminarista. Dahil sa pagiging seminarians nila, dahil sa diumano’y aura
ng presensya ni Kristo sa bawat isa sa kanila, pati yung pagkapangit nagiging
gwapo sa mga kumekendeng kendeng sa paligid. Jusko po rudy. Kapag lumabas na
ang seminarista dahil napagtanto na hindi pala ito yung buhay na nakatalaga sa
kanya, aba’y bumalik sa di mawaring itsura, sa pagkapangit at wala nang
umaaligid na mga aligaga at kumekendeng. Nah. kung kayo ay
naatract sa akin o nadadala ko kayo sa mga kabaliwan sa ngalan ng Dios, yun ay dahil
sa LIWANAG, dahil kay Jesus, kay Kristo na bitbit ko sa pakikilakbay sa inyo at hindi dahil sa aking pagkatao. Sapagkat alam ko
naman na hindi naman ako gwapo at may itsura kagaya ng mga pinagtitilian ng iba siguro sa inyo.
Mga kapatid, lagi
ko itong sinasabi sa inyo, hindi lang si Pedro, si andres, si Juan, si Santiago,
si Pablo, ako etc etc ang tinawag upang mamalakaya ng tao. Lahat tayo tinawag na
maging portatori, tagadala ng ilaw na ito, ng LIWANAG unang una sa buhay natin at pangalawa sa kapwa tao. Sa paanong paraan? Sa pamamagitan ng SALITA NG DIOS, sa pagproclaim nito at sa pagsasabuhay nito. Kung gusto natin maliwanagan sa buhay ay basahin natin ito. Maging gabay nawa ang mga mabubuting aral at pangangaral nito sa atin. ANG SALITA NG DIOS ANG ILAW NATIN SA ATING PANAHON. Hindi ba't Sunday of the Word of God ngayon. Inaanyayahan tayo na maging LIWANAG ito ng ating buhay. Hindi man physically si Jesus ang magbigay liwanag sa atin, ang kanyang mga Salita naman ay magsisilbing ilaw at liwanag sa atin, sa buhay natin, at sa pakikipamuhay natin sa kapwa.
Bilang
mga Kristiyano, inaanyayahan tayo na maging kaakit akit dahil sa presence ni
Lord sa ating buhay. At hindi taong ang sarap iwanan sa kakahuyan.
Magsilbi sana tayong munting liwanag sa kapwa natin, gamit ang pangalan ni
Jesus, gamit ang mismong TANGLAW na nagbigay din ng liwanag sa atin. Nawa’y
kagaya ni Kristo, tayo rin ay magsilbing liwanag sa dilim. Amen.
No comments