Page Nav

HIDE

Pangga. Inosente. Tapat.

Ngayong araw na ito mga kapatid ay ipinagdiriwang nating mga Pilipino ang Kapistahan ng Banal na Sanggol na mas kilala natin bilang K...


Ngayong araw na ito mga kapatid ay ipinagdiriwang nating mga Pilipino ang Kapistahan ng Banal na Sanggol na mas kilala natin bilang Kapistahan ng Santo Niño. Bagama’t wala tayo sa Pilipinas ay ipagdiwang na lang din natin ito tutal mayroon naman tayong Sambuhay at nasa Misal ng Pilipino.
At sa Lingong ito, hayaan ninyo ako na hindi muna sundin ung “Luigi 3” na malimit ninyong marinig, mabasa at makita sa aking social media upang mas lalo nating maintindihan ang aral na mapupulot natin ngayon sa ating mga basahin. Kung kaya’t sa araw na ito, ang tatlong salita na ating pag ninilayan at aalamin ay PANGGA, INOSENTE, TAPAT.

Sa kapistahan ng Santo Niño, malimit na binabangit ang mga katagang “Pit Señor” na isang pinaiksing kataga mula sa mga bisayang salita na “sangpit sa señor” – to plead, to ask, tumawag, magsumamo, makiusap, invoke, ask a favor. Ito ay “to call, ask, and plead to the king”

Kung napansin natin, sa tatlong mga basahin na ating narinig ngayon ang common denominator ay bata o anak. Ano nga ba meron sa mga bata na siya ring dahilan kung bakit nasabi ni Jesus na dapat ay maging katulad ng mga bata? At kung hindi tayo magbabago at hindi magiging tulad nila, hindi tayo mapapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Anong meron ang mga bata? Anong mga katangian ng bata na ipinapaalala sa atin ngayon? Katangian na ipinapaalala din sa atin ng Santo Niño. Ang sagot mga kapatid: PIT, Señor! PIT: Pangga, Inosente at Tapat. 

PANGGA. Hindi bagat ang mga bata ay nakaka aliw, nagdudulot ng saya sa pamilya, nakakapangiti, nakakadala ng tuwa. Abay pag nangiti ay ika’y mapapangiti din. Maliban na lang siguro sa oras na nag papastidyo ang bata. Mahal natin ang mga bata. Pinapangga. Ang ibig sabihin ng salitang pangga sa bisaya ay mahal, beloved, kinagigiliwan, kinalulugdan. Siguro naman ay hindi ninyo pa nakakalimutan ang salaitang “kinalulugdan”. Nung nakaraang Sunday laang eh. Nakalimutan na. Bilang mga anak, bilang mga mabubuting anak ng Dios, tayo ay mahal ng Dios. Ang kailangan lang natin ay maging at magpaka “anak” niya gaya ng kinalulugdan niya na kaisa isa niyang Anak. Kung walang nagmamahal sa iyo, feeling mo wala, wag kang mag-alala, mahal ka ng Dios. Pangga ka ng Diyos. Pinapaala sa atin ni Santo Niño na tayo ay kagaya niya, mga anak din tayo na mahal ng Dios.

Ang challenge sa atin ay nawa’y bilang mga cutie cutie na mga anak, ay magdala tayo ng saya, ng ligaya, ng giliw sa ating kapwa. Maging MAPAG PANGGA at maging KA PANGGA-PANGGA, loveable nawa tayo. Hindi yung parang matanda na natuyuan na ng kuwan, kaya napaka suplada, palaaway, bunganga dito bunganga doon. Parang dinatnan ng kabwanan kaya lahat damay sa pagpuputak at pag aalburoto gaya ng pag-alburoto ng bulkang Taal. Nah. Tawa kayo. Totoo diba. So mga kapatid, paalala, balik tayo sa pagiging bata na nagbibigay saya, nagbibigay tuwa sa nakaplibot sa atin kahit ano pa ka sama ng mga nakapaligid, wala yan sa bata. Magpapasay at magpapasaya pa rin ang “bata” ang “anak ng Dios”.  

INOSENTE. Eto na. Hindi gaha kapag may nakaapak ng paa mo ay sadyang magrereact ka at kung palagi kang na peperwisyo ng nakapak sa iyo ay sa pagkakataong iyon ay nailabas ang listahan ng mga pagkakamali niyang nagawa. Kapag may nang away sa atin, ngayon na may edad na tayo, naku... katakot takot na plano.. anong hakbang na gagawin para makahiganti. Yung iba ikakalat sa social media. Gagawa ng paraan upang masira din ang nakasira sa kanya. Ang hiiiiiiiiiiiiiiiiirap natin magpatawad. Aabutin ng pagunaw ng mundo pa minsan. E ang mga bata? Hindi ba’t ang mga bata pag piangalitan mo e maya’t maya ay parang wala lang? Hindi ba’t pag nagaway ang mga bata maya maya naglalaro na, nagtatawanan. Parang mga tanga, nag-away sa laruan, nag iyakan, napagalitan ng mga magulang, maya maya o kinabukasan, laro na naman. INOSENTENG INOSENTE. Hindi nagtatanim ng galit. Hindi naglilista ng mga nagawang mali. Kapag nagsorry na o kahit walang sorry, pag nahimasmasan wala na. Tapos na ang away. O hindi ko na kayo tatanungin ng “how about you?” Alam ninyo na sagot diyan. 😊
 
Ang challenge sa atin mga kapatid ni Señor Santo Niño ay maging kagaya ng mga bata na ang INOCENCE ang pinapairal. Ang taong nagtatanim ng sama ng loob, ang taong nagtatanim ng galit ay hindi maituturing na anak ng Diyos. Sapagkat ang anak ng Diyos, ang kinagigiliwan ng Diyos ay marunong magpatawad kagaya ng mga bata. O hindi baga’t kapag may away at alitan ay para kang nasa impyerno. Nagiinit ang ulo, hindi ka mapakali, wala kang peace of mind. Walang “heaven” na natatamasa habang nandito pa lang sa mundo. Jusmio hijo, hija. Kasakit sa ulo. Kelan at papano kaya tayo magiging tuld muli ng mga bata? Huwag naman sana natin hintayin na sa panahon lang na pabalik na tayo sa pagkabata dahil baka kulang na ang panahon, at baka wala na ang taong dati sa atiy nakakairita.

TAPAT. Last mga kapatid, TAPAT. Ang mga bata super tapat yan sa mga magulang nila. Huwag mo lang ulit uliting lokohin at saktan. Kahit na nga, tapat at dependent ang mga bata sa mga magulang. Kung wala ang mga magulang o walang mag-aalaga sa kanila, hindi sila mabubuhay, hindi sila magsusurvive. Magsurvive man pero sira ang buhay lalo pag iniwan ng magulang, tinalikuran, pinabayaan. Total dependence sa ama, sa ina. 

Bilang mga anak ng Diyos, ipinapaalala sa atin ni Señor Santo ninyo na tayo ay dapat maging TAPAT sa ating Diyos Ama. Ipinapapalala din sa atin ang ating dependence sa Kanya. Kung wala Siya, wala din tayo. Nakasalalay ang buhay natin sa Kanya habang nakasalalay naman sa atin kung pano natin isabuhay ang buhay na bigay niya. 

Mga kapatid naway ang pag “PIT Señor” natin ay hindi lang puro sigaw, pakikiuso sa mga sinisigaw ng mga deboto ng Santo Niño. Naway ang pag “PIT Señor” natin ay magdulot ng pagbabago sa ating buhay. At makapagpa “bata” muli sa atin. At nang sa gayon ay magpatuloy din tayong mga PANGGA ng Panginoon, INOSENTE at mapagpatawad na mga tao, at TAPAT pananampalataya at sa Diyos. Amen.

Pit Señor!

No comments