Page Nav

HIDE

Ambisyon at posisyon

Maraming paraan upang makamit ang isang ambisyon at posisyon, mapa sa trabaho man o sa antas ng buhay. Ang una ay sa pamamagitan ng p...


Maraming paraan upang makamit ang isang ambisyon at posisyon, mapa sa trabaho man o sa antas ng buhay. Ang una ay sa pamamagitan ng pamana – kung ang mga magulang ay nasa pwesto gaya ng mga hari at reyna, ang posisyon sa trono ay minamana mula sa namatay o sa nagresign na magulang. Ang pangalawa naman ay sa pamamagitan ng connections – palakasan system – kung may kakilala ka, may kamag-anak ka na nasa posisyon, malamang ay makuha mo ang pwesto o ang ambisyon na pinapangarap mo. Ang pangatlo naman ay paghirapan mo – paghirapan makuha sa pamamagitan ng points, sa pamamagitan ng magagandang halimbawa, sa pamamagitan ng pagpapasikat, sa pamamagitan ng pagpapakita ng galing, lakas at kakayahan, sa pamamagitan ng pawis. Ang pang apat ay bilhin mo ang posisyon kung kaya – malimit na ginagawa ng mga ambisyosa/ambisyoso na may kaya. At marami pang iba.
Ngunit bakit nga ba nangangarap at nagaambisyon na magkaroon ng posisyon ang isang tao – natural, upang maayos ang buhay, umangat, maiba, magkapera, matahimik. Kapag ikaw ay nasa posisyon, malimit ay nakaupo ka na lang, may mga taong maghihirap para sa iyo, may magsisilbi para sa iyo. Ikaw ay pindut pindut na lang, magsasabi na lng ng yes or no. May gagawa ng mga gusto mo.

Sa larangan naman ng pag-ibig, ang nag-aambisyon na maging number 1 sa puso ni Ineng o ni Totoy ay gagawin din ang lahat para ipakita ang kalakasan – maaring sa mismong itsura ay nakalamang, o kaya naman ay dahil close kay Nanay at Tatay o kapatid. Ang iba dinadaan sa pikut, sa bayad, o sa matatamis na salita. At meron naman yung talagang pinaghihirapan.

Bagamat ito ang ating nakagawian at nakasanayan, nakikita sa mundo, ang pangarap na maging tunay na tagasunod ni Kristo o ang pangarap na mapunta sa kaluwalhatian ng langit ay hindi sa paraang ito matatamo.

Itinuturo ng mga pagbasa sa Lingong ito ang tanging paraan upang ang kaloob ng Diyos ay ating matamo ng buong buo: “Ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng lahat.”

Ang unang pagbasa ay naglalarawan sa ginawa ni Hesus: “inihandog niya ang kanyang sarili upang sa pamamagitan noon ay magkaroon ng kapatawaran.” Sa kanyang paghahandog ng sarili, naranasan niya ang buhay natin, ang paghihirap natin, ang nararamdaman natin, ang ating mga saloobin. Sa isang salita, kaisa natin, kung kaya’t nakakaunawa sa atin. At dahil diyan, makaka asa tayo na kungdudulog tayo sa kanya upang humingi ng habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito ay maiintindihan nya at ibibigay tuwina. Yung pinuno na nakaranas maging tagasunod ay mas madaling lapitan at mahabag. 

Hindi sa paraan na naisip ni Juan at Santiago, hindi sa connections madadala ang pagkakaroon ng pwesto sa pagsisilbi sa Diyos. Hindi sa ganitong paraan ang pagtamo ng katungkulan sa simbahan, sa komunidad. Subukan nyo, at kagaya sa ebanghelyo, marami sa inyo magagalit, maiinis dahil sila ay nalamangan.  

Ang pagsunod kay Kristo at ang tunay na pagiging alagad ng Diyos ay hindi mo masusukat sa kung sino ka o anong meron ka, kundi doon sa kung hangang saan ang kaya mong ibigay. Sapagkat ang pagiging alagad ng Dios ay katumbas ng pagaalay ng buhay, pagsisilbi hanagng sa huling patak ng dugo na hindi naghahangad ng kapalit. Hindi ito tungkol sa pagkakaroon ng kapangyarihan, hindi para maging panauhing gayak sa handaan, ito’y pagsunod sa yapak ni Hesus sa pagsasakripisyo hangang kamatayan upang ang puso mo at puso ko’y maging sa Diyos lamang. Hindi ito tungkol sa pagiging “servido” kundi ito ay tungkol sa pagaalay ng buhay para sa iba kagaya ng ginawa niya. At hindi ito isang sakripisyo lang, kundi panghabang buhay. Kagaya ng pagsungkit ng puso ni Ineng o ni Totoy, paghihirapan at patuloy na pagsasakripisyuhan upang ang pangako ng pagibig sa sinisinta ay tunay ngang magpasawalang hangan.

No comments