Page Nav

HIDE

Namatay. Napatangis. Nabuhay.

Nitong mga nakaraang araw ay napagmasdan o naranasan natin ang mga nakakalungkot na pangyayari na dulot ng pandemia na ating hinaharap. Mar...

Nitong mga nakaraang araw ay napagmasdan o naranasan natin ang mga nakakalungkot na pangyayari na dulot ng pandemia na ating hinaharap. Marami ang apektado, may mga gumagaling, subalit hindi natin pupwedeng ipagkaila na marami din ang namamatay. Imagine 969 ka tao ang namatay sa loob ng dalawampu’t apat na oras. Nakakapanlumo, nakakabahala, nakakalungkot.



Para sa pagninilay natin ngayong araw (sabi pa ng isang kabataan sa akin, ang antivirus mo padre), gamitin natin ang mga salitang NAMATAY, NAPATANGIS, NABUHAY.

NAMATAY. Bahagi ng buhay natin, at lahat ng nabubuhay sa mundo, ang pagdating ng panahon na tayo ay mamamatay. Ang kalikasan nagtuturo sa atin na may mga bagay na kailangan mamatay upang sumibol ang bagong buhay. Kailangan masunog ang pine trees at mamatay upang ang mga bunga nito ay mabiyak at tumubo. Ang prutas ay kailangan mailibing sa lupa upang bagong puno ay lumabas. May mga hayop na kailangan magkulong ng ilang linggo o buwan upang paglabas nito ay bago na naman. Etc etc.

Bagama’t bahagi ito ng gulong ng buhay, amin ninyo, takot tayo na mamatay. Takot tayo mawala. Takot tayo maglaho. Takot tayo maging wala. Yun ngang nababaliwala sa love life nasasaktan, yung maging “wala” pa kaya. Takot tayo na hindi na tayo maalala o mawala ang ating alaala. Sabi sabi pa na gusto natin makapiling si Lord pero pagdumating ang punto na muntikan ng mamatay, sinasabi natin.. “yes Lord gusto kita makapiling pero huwag muna sa ngayon”. Takot tayo mawala, takot tayo mamatay.

Kung kaya’t kapag may mga pagkakataong hindi inaasahan, at biglang may NAMATAY sa kapamilya o kakilala natin, o alam natin na mamamatay, tayo ay nalulungkot, may pighati at kurot sa puso sapagkat ang taong mahal natin ay wala na o mawawala. Marami tayong mga tanong, “Bakit siya?” “Bakit ngayon pa?” “Bakit ako?” “Nasaan ang hustisya?” “Nasaan ang Diyos?” “Natutulog ba ang Diyos?” “Wala ba siyang pakialam sa nararamdaman ko, sa nararamdaman ng tao?” Ang iba ay nanlulumo, ang iba ay NAMAMATAY din ang pananampalataya. Sabi ni Marta sa ating Ebanghelyo, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.” ... ang iba sa atin ang bangit, “Lord, kung tunay ngang mahabagin kang Diyos, bakit mo ako binigyan ng sakit... bakit mo hinayaang mamatay ang aking ina o ama, o anak, o kaibigang giliw... bakit mo hinayaang mamatay ang libo-libo sa COVID-19?”

Sa mga nanonood at nakikinig, marahil marami pa kayong pwedeng idugtong. Pero paalala mga kapatid, ang pagkamatay ay bahagi ng buhay na hiram lang natin sa Diyos. Huwag tayong mangamba. Huwag tayong mabahala. Huwag tayong matakot. Pinaaalalahanan tayo ni Pope Francis nung byernes na huwag tayong matakot na suungin at magpatuloy sa paglalayag at harapin ang hindi inaasahang bagyo o unos sa buhay natin.

NAPATANGIS. Kapag may namamatay o mamamatay minsan hindi naitin mapigilang mapaiyak. NAPATANGIS ka na ba minsan dahil nawala ang taong iyong ginigiliw? Minsan mapapaiyak ka na lang, sapagkat wala tayong kapangyarihan labanan ang kamatayan. Napapaiyak na lang sapagkat wala tayong magawa upang ang pagkamatay ay mapigilan. Nung namatay mga magulang ko, di ako masyadong napaiyak, marahil alam ko na ang kamatayan ay isang hakbang lamang tungo sa kabilang buhay na kapiling ang Diyos. Subalit sa pakikisalamuha ko sa ibang tao, ang pag-iyak ng iba ay mas nakapaiyak sa akin. Marahil dahil ramdam ko ang pighati nila at pangungulila.

Kagaya nating lahat, si Hesus ay NAPATANGIS sa pagkamatay ng kanyang mahal na kaibigan. Tumangis si Hesus; kaya’t sinabi ng mga Judio, “Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” Ramdam ng Panginoon ang ating mga pighati, ang ating mga pagdadalamhati. Hindi siya iba sa atin. Hindi siya manhid. Siya ay taong kagaya natin, napapaiyak kapag may nawawala sa ating piling. Kung kaya’t dahil ramdam niya ang nararamdaman ng kanyang mga kaibigan, naramdaman ang kanyang pag-ibig at pagtubos kay Lazaro. Gayun din actually ang ginawa niya sa atin.

Hindi ba’t pag mahal natin ang isang tao, gagawin natin ang lahat upang maipadama ito. At kung nasa panganib man ang mahal mo, siguradong gagawanng paraan upang tubusin ito. Naranasan mo na bang nagmahal nang halos ikaw ay mawalan para lang mabuhay ang mahal mo? Hindi ka nalalayo kay Kristo.

NABUHAY. Hindi nagtatapos ang buhay sa pagkamatay. Tumangis ka man ng sangkatutak sa pagkawala, mapapatangis ka ulit sa tuwa sapagkat ang pagkamatay ay isang daan lamang patungo sa Poong Maykapal. Ang natatanging pamamaraan actually...for now. Kagaya ng lesson mula sa kalikasan, itoy bahagi lamang ng ciclo ng buhay. Mula sa luma patungo sa bagong buhay.

Sounds familiar na ba? Yes mga kapatid, ito ang proseso ng binyag, o epekto ng binyag sa atin. Sa binyag tayo ay namamatay sa Kanya at nabubuhay nang muli sa kanya, kay Kristo na muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa Kanya, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nanalig sa Kanya ay hindi mamamatay kailanman. Kailangan lang natin manalig. Tatangis ka nga lang kasi kailangan nating iwanan yung mga bagay na hindi angkop sa pamumuhay Kristiyano. May mawawala, bahagi natin mamatay. Mapapaiyak ka sa pagkawala ng mga nakasanayan, ng pamumuhay ayon sa laman gaya ng sabi sa ikalawang pagbasa. Subalit kapalit naman nito ay muling pagkabuhay...magpakailanman.

Kapag may namamatay sa atin, ang lahat ay nagkakatipon, nagkikita kitang muli ang matagal nang di nagkakasama. Maraming nabubuhay na mga ala-ala, mga kwento, mga nakaraan. Sa kabilang dako ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay ay nagdudulot ng panibagong buhay sa pamilyang naiwanan.

Ang COVID-19 ay nakapaminsala sa atin. Marami ang NAMATAY. Nakapatay hindi lang ng mga taong mahal sa buhay kundi pati na rin ng ating nakasanayang pamumuhay. NAKAPATANGIS dahil sa sitwasyon, sa libo libong nalalagas. Nakapatangis dahil walang maisaing na bigas. Subalit sa kabila ng lahat, biruin mo, nagkaroon ng pagkakataon ang mga bata na makapiling ang kanilang mga magulang na laging wala. Marami ang nagsimulang maapreciate ang miembro ng pamilya. Mantakin mo naman 24hrs mong kasama. Yung nagiiwasan, yung di nagkikibuan, pinagsama ni COVID-19. Dahil kay COVID-19 maraming naging creative, natutong maging nanay at tatay. Maraming mabubuhay. Nabago ang buhay. Maraming natututong magpahalaga sa buhay. Ang pamilya ay muling NABUHAY.

Inaanyayahan ko kayong ipikit ang mga mata at ipagdasal ang mga mahal natin sa buhay. At hilingin natin sa Panginoon ang patawad kung tayo man ay nawalan o nawawalan ng pagtitiwala at pananalig sa kanya. ....

No comments