Page Nav

HIDE

Patnubay. Puro. Pagpapakatotoo.

Ngayong araw na ito, ginugunita ang kapistahan ng Santo Niño sa atin sa Pilipinas. Dahil ang Sambuhay natin ay mula sa Pilipinas kung kaya...

Ngayong araw na ito, ginugunita ang kapistahan ng Santo Niño sa atin sa Pilipinas. Dahil ang Sambuhay natin ay mula sa Pilipinas kung kaya't ang Misa natin ngayon ay ang Kapistahan ng Sto. Niño.

Sa ating mga pagbasa ngayon, makikita natin na lahat ito ay nagbabangit tungkol sa “anak” sa “sangol” sa “bata.” At ang paanyaya ni Jesus sa ebanghelyo ay maging katulad ng mga bata upang tayo ay makapasok sa Kaharian ng Diyos. Sa pagkat ang mga bata ay mahal ng Diyos.

Ano-anu nga ba ang pwede nating matutunan sa mga bata, o dati nating alam at ginagawa subalit nagbago sa ating pagtanda? Para madali ulit natin maintindihan at maalala, gamitin natin ang mga salitang PATNUBAY, PURO, PAGPAPAKATOTOO sa ating pagninilay.


PATNUBAY. Para sa mga bata, ang patnubay ng mga magulang ay kailangan simula sa pagiging paslit hangang sa oras na para humiwalay sa mga magulang. Kung tutuusin, kahit nakahiwalay na, paminsan minsan ay maigi pa din naman na kumukunsulta sa mga magulang. Kailangan alalayan ang batang paslit sa kanilang pagdede, sa kanilang pagpopoo sa lampin o diaper. Kailangan alalayan sa paglalakad sa kanilang mga unang hakbang. Nagdedepende sa mga magulang ang mga batang sangol at mga batang wala pang muwang. Palaging tinatawag ang ina at tatay upang sila ay pangalagaan at patnubayan – sa pagtulog, sa pagising, sa pagkain, sa pangaraw araw na pangangailangan upang mabuhay. Nariyan ang mga magulang upang protektahan ang bata sa anumang makakasakit sa kanya.

Anong kinalaman nito sa debosyon natin sa Sto Niño? Tinuturuan tayo na maging bata sa harap ng Diyos na laging nagaalaga, at nagpapatnubay sa atin. Ipinapaalala sa atin na meron tayong Diyos na pwede nating masandalan sa oras na 1) gutom tayo – gutom sa pisikal at espiritual na pagkain, 2) gusto nating lumakad, gusto nating maabot ang ating gustong puntahan, 3) gusto natin ng kayakap – sa panahon ng problema at pighati, 4) kailangan natin ng proteksyon – sa anumang sakuna, sakit, mga mapanganib na sitwasyon, 5) at kapag natae tayo – dahil sa mga kagaguhan natin mismo, sa mga di magagandang gawain na nagconvert sa atin bilang mga tae ng lipunan. Ipinapaalala sa atin na ang patnubay ng Diyos ang laging kailangan at pagdedepende sa kanya ay dapat pahalagahan.

PURO. Puro o pure of heart, busilak at malinis na puso ang maari nating matutunan sa mga bata. Kapag ang mga bata nag away dahil sa isang laruan, makalipas ng ilang minuto o oras, makita mo naglalaro na ulit ang nagsabunutan o nagbugbugan. Kapag ang mga bata hindi pinagbigyan ng mga magulang (kapag paminsan minsan lang...kasi kapag laging di pinagbibigyan humuhina ang loob ng bata at feeling hindi siya mahal)... so kapag paminsan hindi pinagbigyan...oo magtatampo at iiyak ang bata... pero linga lingain mo..babalik na ang smile at kasiyahan. Nadadaan sa kendi, sa pagkain, sa mga bagay na atractive, sa mga pangakong paminsan langing napapako, nauuto. Nauuto dahil puro ang puso. Dahil walang lamang galit at pagaalinlangan. Hindi ko sinasabing magpauto tayo. Ang sinasabi ko, ay kapag naglayong maayos at magkasundo, ay bumibigay sa pakikipagkasundo, pagkaayos, balik sa pagmamahalan. Ay subukan mong mag suntukan kayo jan dahil sa isang di pagkakaunawaan. Subukan nyong matapakan ang pride ng mga kasamahan nyo dito. Nek nek nyo kung sa oras na yan mismo magkabati kayo o magkasundo kayo. Habang tumatanda tayo, ang puso natin ay mula sa pagiging puro ay nagiging pusong bato.

Ipinapaalala sa atin ng debosyon natin kay Señor Sto. Niño na palambutin ang pusong bato, ibalik sa unang estado nito na puro. Kaya tayo nahahighblood e. Tumataas ang presyon dahil ang dugong dumadaloy mula sa puso ay hindi puro at malinis.

PAGPAPAKATOTOO. Ang pangatlong bagay na pwede natin matutunan sa mga bata at sa pagcelebrate natin ng kapistahan ng Sto Niño ay ang pagiging totoo, pagpapakatotoo. Mahirap sa isang bata ang magsinungaling. Mapapahamak ka kapag may batang nakakita ng kalokohan mo dahil sasabihin at sasabihin niya ang totoo. Bigyan mo lang ng kendi, aamin sa totoo. Kaya nga, huwag na wag kang magtatanong sa bata kung guwapo ka o pangit. Kasi kapag pangit ka, masasaktan ka lang, kung iyong ipagpipilitan. Kaya huwag ka na magtanong kung ayaw mong ipamukha sayo na pangit ka talaga. Pag nagtakbuhan ang mga bata pagnakita ka, wag ka na maofend. Tangapin na lang ang itsura dahil mahal ka pa din naman ng Diyos Ama. 😊

Mga kapatid, inaanyayahan tayo na maging totoo. Inaayayahan tayo na hindi maging plastik. Inaanyayahan tayo na sabihin ang totoo. At pinakamahalaga ay inaayayahan tayo na magpakatotoo – sa pagmamahal natin sa Diyos at sa ating kapwa tao.

Nawa’y ang batang paslit na ating sinasambit “Pit Señor” ay gabayan tayo upang manatili tayo sa PATNUBAY ng ating Ama sa langit, upang manatiling PURO ang ating mga puso at isip, upang tayo ay maging TOTOO sa mata ng Diyos at katabi mo.

No comments