MAGALAK. Ligaya ang itawag mo sa akin. Mga katagang alam ko na sa iba ay may ibang kahulugan lalung lalo na sa mga kaedad ko na nooy ito an...
MAGALAK. Ligaya ang itawag mo sa akin. Mga katagang alam ko na sa iba ay may ibang kahulugan lalung lalo na sa mga kaedad ko na nooy ito ang inaabangan sa sinehan. Malamang ang iba ay napapaisip, anu na nanaman kaya ang pumasok sa kukote ni pads. Bahala kayo sa buhay ninyo kung anu man isipin nyo. Basta kung saan kayo masaya, suportahan ko kayo jan. Nais ko lang gamitin muli ang mga katagang ito sapagkat ang pagksa ng mga basahin ngayon ay naka sentro sa LIGAYA / GALAK, nakasentro sa NAGBIBIGAY LIGAYA / GALAK sa buhay nating mananampalataya.
Ano nga ba ang nakakapagpaligaya sa tao? Noon pong December 2015, nagpost ho ako sa Facebook ng tanong na "ANONG NAGPAPASAYA SA IYO?" May mga sineryoso ang sagot naman ng iba, dahil karamihan sa mga kaibigan ko ay kagaya kong “loko loko,” e di kung anu ano sinabi. Kung titingnan yung mga sagot nila, makikita natin ang hugot ng pinanggagalingan ng kanilang kaligayahan. Buti na nga lang walang nagsabing "Ikaw po pads ang nagpapaligaya sakin." Ay naku po!
Karamihan sa mga sagot ay dahil raw mayroon taong karamay dumadamay sa kanila, may roon silang kasanga, dahil may nagpapasaya, may nagbibigay ng aliw at ligaya. Ang pinangagalingan ng kanilang galak ay ang mga taong nakapalibot sa kanila, ang kanilang career, trabaho, kayamanan, relasyon, mahal sa buhay. Subalit, alam natin, bilang bahagi ng realidad ng buhay, ang mga bagay na ito, etong mga taong ito, kapag nawala sila sa atin, ang dulot din nila ay lungkot at pighati. Gayun din ang epekto kapag tayo ay nawalan ng trabaho, source ng kabuhayan, nalugi, nawalan. Dahil ang source ng ating kaligayahan ay mula lamang sa labas, external.
Ang iba naman ay sumagot ng mga abstraktong mga salita gaya ng pagmamahal, pagkakaisa, kapayapaan. Ngunit nung tinanong ko na: "what is love?" or "anung meron sa love?" "...mmmmmmm..." lang ang sagot nila. At si ako naman, "hmmmm" lng din ang sagot ko. Ang iba nama’y ang sabi si Lord o ang Simbahan daw ang nagbibigay ng ligaya sa kanilang buhay. Subalit, bagaman si Lord na ang dahilan, external pa din ang dahilan ng kaligayahan. Sapagkat yung Lord na binabangit ay yung Lord na anjan…parang kaibigan na karamay, nagmamahal etc. External.
Ngayong ikatlong Linggo ng Adbiyento ay inaanyayahan tayong maging masaya, lumigaya, hanapin ang ligaya ng buhay natin. Pero hindi lang upang makita tayo na masaya, o hanapin ang kakaibang ligaya, kundi hanapin ang “TOTOONG LIGAYA AT GALAK” sa buhay. Yun nga lang maari lang tayo gumalak kung tayo ay puno ng ligaya at saya sa kaloob-looban ng ating sarili, ng ating puso.
Papaano hanapin ang ligaya, ang kagalakan? Ang ikalawang pagbasa mga kapatid, na mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga Tesalonica, ay nagbibigay sa atin ng anim na mga tips kung papano natin makamtan ang authentic joy, upang laging magalak. Ang una ay maging matiyaga sa pananalangin. Sapagkat sa pananalangin ay nagkakaroon tayo ng malakas na relasyon sa Diyos. At kung may malakas tayo na relasyon sa Dios na puno’t dulo ng kagalakan ay tayo rin ay makakatamasa ng kagalakan sa buhay. Ang ikalawa ay ipagpasalamat natin sa pangalan ni Jesukristo ang lahat ng pangyayari, sapagkat yaon ang ibig ng Diyos. Ang pangatlo ay huwag hadlangan ang Espiritu Santo. Ang pang apat ay huwag hamakin ang anumang pahayag mula sa Diyos. Eto yung sinasabi ng mga matatanda na kapag nagsalita ka ng masama laban sa pahayag ng Diyos ay karma ang ating aabutin. Ang pang lima ay suriin daw natin ang lahat ng bagay at pulutin ang mabuti. Kung may mga pangyayari, kakilala, o anu pa man, kunin natin yung mga magagandang halimbawa na makakapabuti sa atin. Yung hindi ay ating isan tabi. At ang pang anim ay lumayo daw tayo sa lahat ng uri ng kasamaan. Ala ei hindi ba’t kung ito ang ating susundin ay masaya at maligaya ang ating buhay. Kahit kakauting bagay ay makakapagpagalak sa atin dahil sadyang mula sa ating loob ang ligaya nangagaling. Mula sa ating sarili ang source ng ating kagalakan. Hindi external.
Anu nga ulit ang slogan ng Joy dishwashing liquid? – Isang patak, kaya ang isang katukak. Isang patak lang ng true joy mula sa atin, aba’y isang katutak din ng ligaya sa buhay ang dulot natin sa iba. Isang patak lang ng “true Joy” sa ating buhay, kayang lutasin ang problemang isang katutak. Isang patak lang ng joy na dulot ng mga nabangit ni San Pablo ay magpapawi si isang katutak na pighati ng damdamin at utak.
MAGPATOTOO. Buong galak na pinangalandakan nin Juan Bautista, buong galak na kanyang pinanindigan ang kanyang pagiging propeta, ang pagdadala ng ligaya na sinasabi sa unang pagbasa. Nababakas sa kanyang pagkatao na pinuspos nga siya ng Panginoon ng kanyang Espiritu. Hinirang siya upang ang magandang balita’y dalhin sa mahihirap, pagalingin ang sugat ng puso, palayain ang mga bihag at bilanggo. NAGPAPATOTOO siya sa tunay na Liwanag, sa tunay na source ng kagalakan. Hindi siya ang mismong liwanag kundi siya lang ang nagpapatotoo sa liwanag. Hindi siya ang mismong nagdudulot ng ligaya, siya lamang ay nagpapatotoo sa tunay na ligaya. “Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat mag kalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak.” Braket muna tayo dito. Konting kaalaman, idagdag natin sa ating katekesis. Alam nyo po ba ibig sabihin ng “pagkalag ng tali ng panyapak?” Background muna tayo ha. Ito ay sakop ng batas nila noon sa pag-aasawa. Nangangahulugan ito ng pag-aangkop ng karapatang magpakasal sa isang babaeng kabilang sa iba. Naalala ninyo po ba yung minsan ko nang naipaliwanag sa inyo bakit pito ang napangasawa ng babae tas lahat sila namatay at may tanong kung sino ngayon ang asawa niya pagdating ng panahon na mabuhay muli? Naalala ninyo po ba yung batas na kapag namatay ang asawang lalaki, at kung may kapatid o kamaganak itong lalaki ay aakuin nito ang nabalo. Naalala pa ba ninyo ang kuwento ni Ruth at ang aking paliwanag noon sa inyo? Kung hindi ay basahin ninyo na lang muli ang Deuteronomio 25: 5-10 at ang Ruth 4: 7. Sa pag sabi ni Juan Bautista na “hindi ako karapat-dapat mag kalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak,” sinasabi niya na ni hindi siya karapat dapat na sumalo sa kabiyak ni Jesus, ng "the Groom." Hindi siya karapat dapat na umako sa responsibilidad ng “the one and only love, the one and only joy.” Siya lamang ay, kung sa kasal pa yan ay siya ang “bestman.” Hindi siya ang “Groom.” Alalahanin ninyo, Gospel to ni Juan. At ang tema ni Juan ay umiikot sa kasalan. Naalala ko tuloy ang commercial ng Jolibee, yung bestman na akala natin, siya yung ikinakasal. Yun pala best man lang at masaya na siya na yung babae na ka chiken joy niya ay masayang ikinakasal. Patuloy na nagmahal, nagpasaya na walang hinhintay na kapalit.
MAGPALIGAYA. Ang sabi ni Juan, “Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala.” Nasa gitna ninyo, nasa gitna natin ang tunay na liwanag, ang tunay na nagpapaligaya. Ang presensya ni Kristo sa gitna natin ang rason kung bakit dapat tayo ay maligaya, kung bakit tayo ay dapat magalak. Pero teka. Itong "Kristo sa gitna natin" na napakagandang termino e gets ba natin ang ibig sabihin nito? Siguro kung sa kapanahunan nya, libong taon na ang naklilipas nung nabubuhay pa siya sa mundo, e madali maintindihan at makita na SIYA NGA ANG NAGBIBIGAY LIGAYA sa mga taong nangangailangan sa kanya, na siya nga ang ligaya para sa mundo lalong lalo na sa mga may sakit, naapi, naghihirap. Pero sa panahon natin, wala na siya dito physically. Subalit nadarama pa din naman natin ang kanyang presence sa pamamagitan ng ating kapwa.
Hindi nyo ba napapansin na sa mga panahon na malungkot tayo o may problema, at tayo ang nagdasal sa Diyos, ang ating kapwa tao ang nagpapamulat sa atin sa katotohanan, ang bigla na lang dumadating sa atin? Minsan di natin marealise na kapwa natin din lang ang gumawa ng hakbang para magbago tayo. Kapwa din natin ang biglang sumulpot, kapwa natin ang nagbago sa sitwasyon na akala natin wala ng katapusan. Hindi ba’t paminsan pag may taong sumagip o tumulong sa atin o kaya isang magandang pagkakataon ang nagyari, sinsabi natin: "hulog ka ng langit sa akin," "pinadala ka ng Dios upang tulungan ako," "Dios ko po! Siya lang pala ang hinihintay ko na magpapaligaya sa akin. Salamat Lord!" Isa lang ang kahulugan nito, ANG DIOS NA NAGING TAO NA NAGBIBIGAY NG LIGAYA SA ATIN AY NASA ATING KAPWA TAO. NASA KAPWA NATIN SI JESUCRISTO. NASA GITNA NATING LAHAT. KASA KASAMA NATIN SA PAMAMAGITAN NG ATING KAPWA TAO.
Pero huwag sana nating kalimutan na TAYO DIN AY KAPWA TAO ng bawat tao dito sa mundo. Kung gayon, ang bawat isa sa inyo ay pwedeng tawaging LIGAYA NG BUHAY KO, ligaya ng buhay niya, niya, niya, at niya. Kung kaya’t LIGAYA NA DIN ANG ITATAWAG KO SA IYO.
Mga kapatid, ngayong araw na ito, ang challenge sa atin ay panindigan natin ang pagiging LIGAYA natin dito sa mundo. Magpatotoo tayo na nasa bawat isa sa atin ang source ng kagalakan. Magpaligaya tayo ng iba. At para magawa natin ito, mula sa kaligayahan na nakukuha natin sa labas, sa external, palitan natin ito ng kaligayahan mula sa loob, mula sa ating puso. Dahil nasa bawat isa sa atin ang pagkatao ni Cristo na tagapagligtas mo, tagapagligtas niya. Nasa puso natin ang source ng kagalakan mo, na magpapaligaya din sa mundo.
Ligaya ang itawag mo sa akin dahil ligaya din ang itatawag ko sa iyo.
No comments