BAHAY. Napaka importante sa bawat isa sa atin ang bahay sapagkat dito tayo lumaki, namumuhay, nagiging secure. Bgaman sa iba ay iba ang kar...
BAHAY. Napaka importante sa bawat isa sa atin ang bahay sapagkat dito tayo lumaki, namumuhay, nagiging secure. Bgaman sa iba ay iba ang karanasan, ang karamihan, sa bahay ang lugar kung saan tayo unang minahal at natutong magmahal. Dito rin unang nahuhubog o nabubuo ang ating pagkatao – depende sa magulang, depende sa mga nakatira, depende kung nasaan ang bahay nakatirik, depende sa itsura, etc. Paminsan, ang nilalaman ng bahay ay siya rin ang nilalaman ng ating puso. At kung minsan, kung ano ang wala sa bahay, yun din ang hinahanap hanap ng ating puso. Tayong mga nagmamahal sa sarili nating bahay at sa mga nakapaloob dito, ay sinisiguro natin na maayos ito. Kung sa kapanahunan natin ay nakakaranas ng hindi ganun kaginhawa o kaganda ng buhay, ay sinisikap natin na sila ay magkaroon ng masaya at magandang buhay at bahay. Malamang ang ilan sa atin dito ay nangarap na makapagpatayo ng magandang bahay o nakapagpatayo na ng magandang bahay sa atin sa Pilipinas. Naibigay na sa mga minamahal sa buhay na nakatira sa ating mga bahay ang magandang buhay. Bahala na magkandahirap sa pagtatrabaho dito sa ibang bansa. Ang puso natin ay nasa ating bahay. Kapag naman nakakapakinig tayo na may mga taong nawalan ng bahay dahil sa mga sakuna, sa sunog at kalamidad sa ating bansa, tayo ay nakakaramdam ng awa sa mga nawalan ng bahay. Nakita ko ito nitong mga nagdaang buwan, actually simula pa nung January nang pumutok ang Taal. Naawa tayo sa mga natutulog lang sa lansangan at mga walang mauwian na bahay. At gayun din ang ating pagkupkop sa mga pinalayas o lumayas sa kanilang bahay.
Ganito din tayo sa Simbahan, na ating pangalawang bahay. Alam ninyo, laging binabangit ng mga nakasalamuha ninyo na pari dito sa Curia, maging ang pamunuan ng bahay, lagi nilang sinasabi at ipinagmamalaki kung gaano ninyo kamahal at inaalagaan ang ating munting pamayanan – ang Simbahan, ang simbahan na for 34 years inyong linggo linggong dinadalaw. Lagi nilang sinasabi na tunay ngang mahal ng mga Pilipino itong kapilya natin sapagkat lagi nilang inaalagaan ang kaayusan ng bahay ng Panginoon pati na rin ang mga nakatira dito sa amin. Welcome na welcome kayo dito sa inyong ikalawang bahay.
Sa ating unang pagbasa, napakingan natin na si Haring David ay naawa, na antig na siya ay nasa isang marangyang bahay ngunit ang Panginoon ay nasa isang tolda lamang. Naalala nyo pa ba ang kwento ko tungkol sa tolda ng tabernakulo? Kasama ang tolda na ito maging saan man pumunta ang mga isaraelita noon. Kasa-kasama nila ito mapapanahon man ng kapayaapaan o panahon ng giyera. Kung baga, isa itong portable na tirahan ng Diyos dito sa mundo hangang sa ipinagpatayo ito ni Salomon ng templo noong 957 BCE. Tandaan natin na si Solomon ay anak ni David kung kaya’t advance na info na ito para sa inyo para lang makita ninyo saan patungo itong mga binabangit ko.
Sa panahon ni Haring David, ninais niya na ipagawa ng permanenteng bahay ang Panginoon. Maganda ang kanyang hangarin, subalit ang Panginoon ay hindi nais na manatili lamang sa isang lugar. Sapagkat kagaya nung unang una, kasama siya saan man mapunta ang kanyang bayan. Kapag ipinatayo mo ng bahay na “fixed” ang Panginoon, ay maiiwan siya sa lugar na iyon, sakali man na mangibayo ang kanyang bayan. Alam ng Panginoon ang mangyayari sa bayan. Alam din natin anong nangyari sa kanila. Sa makatuwid, ipinapakita dito na hindi ang kalooban ni Haring David, bagama’t siya ang pinakamagaling na hari dito sa lupa, hindi ang kalooban ng tao ang masusunod, kundi ang kalooban ng Diyos lamang.
BAHAY-BATA. Hindi nais ng Panginoon na manatili sa isang templo sa lupa sapagkat nais niyang manatili na nakikisalamuha, nakikipamuhay, nakikilakbay sa kanyang bayan. At ang pinakamabisang paraan upang manatili siyang ganito ay ang manirahan sa bahay ng tao, sa bahay-bata ng tao. Ilang generasyon ang nagdaan, heto ngayon si Maria, ang nobya ni Jose, na mula sa angkan ni Haring David, nagdadalang tao. Sa kanyang BAHAY-BATA namalagi, nanirahan ng siyam ng buwan ang Panginoon. Ang anak ni David na si Solomon ay nagpatayo ng physical na “bahay,” Templo ng Panginoon sa mundo. Ang anak ni David na si Jose, sa pamamagitan ni Maria, ay naging “BAHAY” ng Panginoon na kagaya ng tolda, kasama saan man si Maria magpunta. Sa BAHAY ni Maria at Jose “nanirahan ang Diyos” – mula sa sabsaban sa Betlehem, sumama patungong Ehipto, sumama pabalik sa Nazareth.
Dahil sa bahay-bata ni Maria, natupad ang pangarap ng tao na “maibahay ang Diyos” sa lupa. Dahil sa bahay-bata ni Maria, natupad ang kagustuhan ng Diyos na mamuhay, manatili sa lupa saan man ang tao pumunta. Hindi ba’t napakaganda na kay Maria, ang tao at ang Diyos, ang Diyos at tao ay napagisa? Hindi ba’t napakaganda na sa “bahay ng Diyos” ay dito ang tao at Diyos ay nagkakaisa, nagsasama, nagsasalu-salo, nagkikita?
Nangyari ito sapagkat hindi ang kalooban ng tao ang pinairal at nanaig. Hindi kagustuhan ng tao gaya nang kagustuhan ni David bagama’t sumasakanya ang Panginoon gaya ng sabi sa unang pagbasa. Ito ay dahil sa nanaig ang kalooban ng Diyos kay Maria, na sumasakanya din ang Panginoon, na asawa ni Jose na angkan pa rin ni David. “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.”
Inaanyayahan tayo ngayong ika-apat na Linggo ng Adbiyento na mula sa sariling hiling natin na “Lord ito ang gusto ko sa iyo” “Ito ang gusto kong gawin mo sa akin” “Lord ito ang dapat na mangayri sa bayan, sa amin, sa aking pamilya, sa akin,” ito’y maging “Lord anu man ho ang gusto ninyo, mangyari nawa sa amin, sa akin, ang kagustuhan mo” “Ikaw na po ang bahalang magpasya sa buhay ko.”
BIYAYA. Sa kanyang pagtira sa BAHAY-BATA ni Maria, BIYAYA ang dulot niya. Sa kanyang pagtira sa BAHAY ng tao, BIYAYA ang dulot niya. Bagama't wala na Siya at hinihintay natin ang kanyang muling pagbalik, alam natin na ang biyaya ng Diyos ay nasa bawat isa sa atin. Bagama’t ang bahay-bata ni Maria lang ang tanging nakapag bahay kay Lord, tayo naman ay pinagkalooban ni Lord ng kanyang Espiritu Santo na namamahay ngayon sa bawat puso natin. Kung kaya’t hindi problema kung ang 2020 ay puno ng kamalasan sa mundo sapagkat ito’y external lamang. Hangang sa ang Diyos ay nananatili sa bawat puso ng tao, ang biyaya ay umaapaw kahit nagkakagulo ang mundo. Lahat ay maayos din sa takdang panahon. Wa-lang hindi mapangyayari ang Diyos maniwala man tayo o hindi. Lahat ng problemang ito na hinaharap ng mundo ay lilipas din. Ipagdiwang na lang natin itong kakaibang Christmas 2020 na puno ng pag-asa. Sapagkat, bagaman ay di natin nakikita, ang biyaya nang Diyos ay ipinagkakaloob niya, may pandemia man o wala.
Ang diwa ng Pasko ay nasa bawat tao. Ang kailangan lang natin ay ibahagi ang presence ni Lord na nasa bawat puso natin sa ating kapwa tao. Sapagkat ito ang gusto niya. Kaya nga siya’y nagkatawang tao upang makapamuhay kasama ang tao.
Ngayong Paskong ito, hindi man ito yung inimagine natin na Pasko, ay Pasko ng pagbibigay ng biyaya sa kapwa tao. Ngayong Paskong ito ay Pasko ng pakikiisa sa mga nangungulila sa bahay nila dulot ng COVID-19.
Ngayong Pasko mga kapatid, ang panalangin ko para sa bawat isa sa inyo ay siksik, liglig, umaapaw na BIYAYA sa bawat BAHAY ninyo. At nawa’y bawat isa sa inyo ay maging BAHAY-BATA ng Diyos sa isip at sa gawa, sa sarili at sa kapwa tao.
No comments