Page Nav

HIDE

Mukha Niya, Mukha Ko, Mukha Nating Lahat

Nakita nyo na ba ang sarili ninyong mukha na hindi gumagamit ng salamin? Nakita niyo na ba kung gaano kayo kagaganda at kagwapo nang hindi n...

Nakita nyo na ba ang sarili ninyong mukha na hindi gumagamit ng salamin? Nakita niyo na ba kung gaano kayo kagaganda at kagwapo nang hindi nananalamin? Wala pa yata nakakita ng sariling mukha na hindi kailangan tumingin sa salamin o kaya mag selfie gamit ang telepono. Kailangan natin ng ibang tao upang may magsabi sa atin anong itsura natin, pangit man o maganda. Kailangan natin ng kapwa tao upang maliwanagan tayo kung sino nga ba tayo dito sa mundo.

Walang sino man na nakakita na ng mukha ng Diyos. Noong unang panahon, alam natin batay sa mga salaysay sa bibliya na maraming pagkakataon na nagpakita ang Diyos sa tao. Ngunit walang anyo. Kadalasan mga bagay sa kalikasan ang description. Sabi sa ikalawang pagbasa, noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit ngayon, siya’y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin sabi pa ng ating Ebanghelyo. Hindi lang nagkatawang tao and Diyos sa pamamagitan ni Jesus, kundi naging katulad natin – may damdamin, may emosyon, namuhay sa isang kultura, sa isang partikular na bayan sa mundo, dumanas ng paghirap, nagmahal, iniwan, nasaktan, nagtanong sa Diyos bakit siya pinabayaan, binaliwala, nagdusa, kagaya lang natin na paminsan minsan na ngalang nagmamahal, palagi pang nasasaktan. Ang kinaibahan lang niya sa atin ay hindi siya nagkasala at nahulog sa patibong ng mundong ginagalawan.

Sino ba itong si Jesus? Kagabi sa vigilia di Natale, ang sabi ng Gospel ay siya daw ay isang tao na ipinanganak sa isang partikular na lugar at partikular na momento ng kasaysayan ng mundo, ng kasaysayan ng tao. Kung hindi lang nabago ang mga skedyul ng celebrations ng Natale e kaninang umaga ay dapat may isa pang Misa at ang Gospel naman doon ay ina-identify si Jesus sa mga pastol, upang ipakita ang kanyang pagiging pastol ng bayan ng Diyos. Ang sabi naman sa Gospel natin ngayon, siya ang SALITA. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos. Kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Mula sa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito kailanman nagapi ng kadiliman. Siya ang liwanag. Siya ang MUKHA NG DIYOS upang maliwanagan tayo sa buhay. Siya yung KAPWA NATIN NA TAO na nagturo sa atin kung papano pahalagahan ang sarili at ang kapwa tao. Siya yung KAPWA NATIN NA TAO nagmulat sa atin kung papano magmahal ng todo. Siya yung nagpamukha sa atin kung paano magmahal ang Diyos sa tao dito sa mundo. Kung gaano ka niya kamahal, kahit ganyan ang mukha mo.

MUKHA NIYA. Nitong mga nakaraang lingo. Malimit ninyong napakingan sa mga huling bahagi ng homilies, laging nauuwi sa pagpapahalaga sa kapwa tao. At lagi kong binabangit ang dahilan kung bakit – dahil nasa mukha ng kapwa tao ang mukha ni Kristo. Sa pagsama ko sa inyo ng dalawang taon na din o tatlo, nakita ko kung paano ninyo isinasabuhay ito. Kung paano ninyo binibigyan ng mukha si Kristo sa mga kawang gawa mapa dito man sa Roma o sa mga kababayan natin sa Pilipinas. Nakakaproud na naging bahagi ako ng paglalakbay ninyo, ng pagkakaibigan ninyo.

Ngayong panahon ng pandemya, lalo na ngayong Pasko na nakalockdown tayo sa kanya kanyang tahanan, marahil ay may ipinapahiwatig sa atin si Lord...Na hindi lang pagkakawang gawa sa kapwa tao makikita ang mukha ni Kristo, kundi makikita din, sa loob ng bahay, sa pamilya ninyo. In fact, kailangan nga sa loob ng bahay magmumula ang gawain ng pagpapamukha sa kapwa tao na mahal siya ng Diyos.... O yung mga kasama dito sa zoom na magkakasama sa pamilya, sabihin niyo nga sa asawa at mga anak niyo – mahal kita at mahal ka ng Diyos....

Ngayong Christmas lockdown, inaanyayahan tayo na huwag malungkot sapagkat kayo kayo lang ang magkasama sa bahay. Inaanyayahan tayo na tingnan sila Jesus, Maria at Jose, sila lang din ang magkakasama noong kauna unahang Pasko – walang handa, walang christmas decors, walang palamuti at mga kumukutikutitap na mga parol at christmas lights, hindi abala sa kusina, hindi balisa kung anong ipangreregalo. Ngayong Pasko, inaanyayahan tayo na magfocus doon sa bambino, sa regalo ng Diyos para sa atin – ang batang kamukha mo at kamukha ko. Magfocus sa kung anong essential. Mag focus sa kung anong tunay na kahulugan ng Pasko.

No comments