Page Nav

HIDE

Aliwin. Aakay. Araw.

Ngayong ikalawang Linggo ng Adbiyento, alinsunod sa kahulugan ng ikalawang kandila na ating sinindihan sa simula ng ating misa, ang ating r...

Ngayong ikalawang Linggo ng Adbiyento, alinsunod sa kahulugan ng ikalawang kandila na ating sinindihan sa simula ng ating misa, ang ating reflection ay iikot tungkol sa kapayapaan na dulot ng pagmamahal. At para matulungan tayo sa ating pagninilay ay magfocus tayo sa tatlong salita na magpapakita o nagpapakita o naglalarawan ng mapayapang buhay na puno ng pagmamahal: ALIWIN. AAKAY. ARAW.

ALIWIN. Hindi ba’t madaling mahulog ang loob ng isang nililigawan kapag ang nanliligaw ay makwela, nagdudulot ng saya, nagpapangiti, nagdadala ng smile sa mukha ng kinikilig na sinisinta? Ang pang aaliw ng mahal sa buhay ay nagpapagaan ng loob, nagdudulot ng kapayapaan, nagpapayapa sa buhay na pa minsan ay puno ng problema. Kapag ipinagsigawan mo sa tutok ng boses, sa abot na makakaya ang pagmamal mo sa iyong sinisinta, hindi gaha siya’y napapasaya, naaliw at puno ng ligaya?

Sa ating mga napakingan ngayon araw na ito, sa unang pagbasa ay ipinapakita ng Diyos ang kanyang pagmamahal sa tao sa pamamagitan ng pagutos sa propeta na aliwin ang kanyang bayan, aliwin sila, ipakita na Siya ay nagdudulot ng kapayapaan sa bayan. Sa paanong paraan? Sa pagbabalita na hinango na sila sa pagkaalipin, pinapatawad sa kanilang mga kasalanan, sa pagpapahayag ng mabuting balita. Ang sabi ng Diyos, “isigaw mo na narito ang Diyos”, isigaw mo na narito ang Panginoon kasama nyo, ipinapadama ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng mapagkalingang pagpapstol, pagtitipon, pagyayaman at pagpapatnubay sa kanyang bayan. Kapag may ugnayan, kapag may relasyon, may kapayapaan.

AAKAY. Ang ating Ebanghelyo ngayong araw ay nagsasaad sa buhay Juan Bautista. Siya yung hula noon na aakay sa mga tao patungo sa Diyos, na maghahanda ng daraanan ng Panginoon, ang aakay sa mga tao sa pagtuwid ng landas.

Ngunit mga kapatid tandaan natin na hindi si Juan ang sentro ng mabuting balita kundi... ano nga ulit ang sabi sa unang bahagi ng Gospel na ating narinig? – Ito ang mabuting balita tungkol kay Hesukristo na Anak ng Diyos. Tungkol sa Anak na pinadala ng Diyos sa atin dahil sa kanyang pagmamahal, pakikipagkaisa, pakikipagtipan sa atin. At gayun din naman sa pakikiisa ng Anak ng Tao sa kapwa niya tao. Si Juan, dahil din sa kanyang pagmamahal sa Diyos at sa kanyang pakikiisa sa kwento ng kaligtasan ng tao, ay mapakumbaba siyang tumayo bilang tulay, bilang taga-akay sa mga tao sa tamang landas upang pagdating ng Panginoon ay maging handa sila sa kanilang pagtangap. Alam niya na hindi siya ang sentro, hindi siya ang source, hindi siya ang main actor. Kaya nga diba, mahal natin ang mga supporting actors/actresses sa mga pelikula dahil sinusuportahan nila ang ating mga bida.

Mga kapatid, tayo ay hinihikayat din na maging kagaya ni Juan. Tayo inaanyayahan na maging suporting actors/actress at akayin ang ating kapwa sa Diyos, na akayin ang ating kapwa sa tamang landas.

May isang kwento tungkol sa isang magkapatid, na marahil ay alam ninyo na o naikwento na sa inyo. Subalit gusto kong ulitin ngayon para maipaabot ang mensahe ng paghihikayat na tayo’y maging kagaya ni Juan, aakay, gagawa ng daan para akayin ang lahat sa tamang landas at maakay kay Kristo.

Mayroon daw magkapatid na nakatira sa magkatabing sakahan at matagal nag laging nagkakaalitan dahil na rin sa lupa at sa kung anu-ano pang mga dahilan. Nakapagbitiw ng masasakit na salita ang nakatatanda, nakapagbitiw din ng masasakit na salita ang nakababata. Kung kaya’t gumawa ng ilog ang nakababatang kapatid sa pagitan ng kanilang lupain. Dahil mataas ang pride ng nakatatanda ay naisip niyang lamangan ang ginawa ng nakababata at ipakita na siya din kaya niyang kalimutan ang kanyang kapatid.

Tamang tama may isang karpentero na napadaan sa bahay ng nakatatandang kapatid at kanya itong hiniling na igawa siya ng pagkataas na bakod upang hindi niya na makita ang nasa gawing ibayo ng ginawang ilog ng kanyang nakababatang kapatid, kasama na dito ang kapatid niya. Naikwento din niya ang mga pangyayari sa kanilang dalawa. Itinuro niya ang mga troso na gagamitin sa pagawa ng bakod na mataas.

Matapos na ibigay ang instructions at mga gagamitin ay umalis muna pa bayan ang nakatatandang kapatid. Nung siya’y bumalik nanlaki ang kanyang mga mata sa ginawa ng karpentero. Walang bakod na nagawa. Ang ginawa ng karpentero ay isang tulay mula sa lupa niya patungo sa kabilang ibayo. Nang puntahan ng nakatatandang kapatid ang tulay, naroon ang kanyang nakababatang kapatid sa gitna. Nagkalapitan, nagkatinginan at naiyak sabay nagkaayusan dahil ang akala ng nakababatang kapatid ay gumawa ng paraan ang kanyang kuya na magkaayos sila at magkabati. Napasubo na din ang nakatatandang kapatid at nadala sa emosyon at nagkapatawaran.

Sa huli, nakita nila ang karpentero na papaalis na. Sinubukan nilang pigilan at ang sabi nil ay manatili muna ng ilang ARAW. Subalit ang sabi ng karpentero ay gustuhin man daw niya na manatili ng ilang araw ay hindi pupwede sapagkat marami pa siyang ipagtatayo ng tulay. E ikaw?

ARAW. Mga kapatid, pag dating ng ARAW na ating hinihintay, hindi tayo tatanungin ng Diyos kung anong uri ng kotse ang ating minamaneho, ngunit tatanungin Niya kung gaano karaming mga taong tinulungan natin ang nakarating sa kailangan nilang puntahan. Hindi tatanungin ng Diyos ang sukat nga ating bahay, ngunit tatanungin Niya kung gaano karaming mga tao ang ating tinanggap sa ating pamamahay. Hindi tatanungin ng Diyos ang brand ng mga damit natin, ang fashion at syle na hilig natin, ngunit tatanungin Niya tayo kung ilan o nagsumikap tayong ang iba’y mabihisan. Hindi tatanungin ng Diyos kung gaano karami kaibigan mo sa umndong ito o sa social media, pero tatanungin Niya kung gaano karaming tao tayo naging “kaibigan.” Hindi magtatanong ang Diyos kung taga saan ka o lugar saan ka nakatira, kundi kung paano mo tinatrato ang iyong mga kapit-bahay. Hindi magtatanong ang Diyos tungkol sa kulay at kakapal ng balat natin, ngunit tatanungin Niya tayo anong klaseng balat ang pinakita natin sa ating kapwa. Hindi magtatanong ang Diyos bakit ang tagal nating tumugon sa paanyaya Niyang magbago, gayon pa man, buong pagmamahal niya tayong dadalhin sa kanyang inihandang mga mansyon sa Langit.

Sa Panginoon, ang isang araw ay sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay isang araw lamang. Ngunit ang ARAW NG PANGINOON ay darating na tulad ng isang magnanakaw. Kung kaya’t mga minamahal kong kapatid, samantalang tayo’y naghihintay, sikapin nating mamuhay na payapa, walang dungis at kapintasan nang sa gayon, pag dating na AKAYIN na tayo sa tinakdang ARAW, tayo ay magkaroon ng buhay na nakakaALIW magpakailanman.

No comments