photo courtesy of litratocmf May isang video sa you tube na nailathala ko na din sa aking blog dalawang buwan na ang nakalilipas. Ang kw...
photo courtesy of litratocmf |
Mga kapatid, naranasan mo na bang mahabagan ng isang taong di mo inaasahan na tutulong sa iyo sa mga panahon na ikaw ay kaawa-awa, kahabag-habag? Naranasan mo na ba na matulungan sa di inaasahang pagkakataon? May habag ba ang ibang tao sa iyo? Minsan ka na bang tumulong sa kapwa mo dahil nahabag ka sa kanya? Nahabag ka na ba minsan sa kapwa mo?
Ang tema ng ating mga basahin ngayong ika tatlomput-isa na lingo sa loob ng ordinaryong panahon ay patungkol sa "kapangyarihan ng pagkahabag," the power of mercy. Ipinakita sa atin sa unang pagbasa na ang Diyos ay labis-labis ang kapangyarihan para gawin ang anuman, ngunit mahabagin parin siya sa bawat kinapal. Pi-nagpapaumanhinan Niya ang ating mga pagkukulang, at binibigyan Niya tayo ng panahong makapagsisi. Mahal niya ang lahat ng bagay, at walang hinahamak sa kanyang mga nilalang. Dahil sa pagkahabag ng Dios natin, nabigyan tayo ng pagkakataong magbago, ma "touch" matuto ding magmahal. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos at ng Panginoong Hesukristo tayo ay naligtas sa ating pagkamakasalanan sabi pa sa sulat ni San Pablo sa mga Kristiyanong taga-Tesalonica na narinig natin sa ikalawang pagbasa.
Nang dahil sa pagkahabag ni Hesus kay Zaqueo nasabi niya kay Hesus na ibibigay niya sa mga dukha ang kalahati ng kanyang ari-arian. At kung siya'y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli niya sa kanila. Isang nalaking pagbabago ang nangyari kay Zaqueo nang dahil lamang siya'y napaunlakan at na "touch" sa pagpapahalaga, sa pagbibigay habag sa kanya ni Hesus. Ang sabi pa ni Hesus: "Ang kaligtasa’y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito. Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw."
Mga kapatid, alam ko na may mga pagkakataon sa inyong buhay na napahalagahan kayo ng isang tao kung kaya't kayo'y nagbago, kung kaya't siya ang iyong pinakasalan, kung kaya't siya ay malugod mong tinangap sa buhay mo o patuloy mong tinatangap sa buhay mo. Kung minsan isang gawaing makahabagdamdamin lang ang kailangan upang ang inyong kaaway na kapitbahay ay magbago ng pagturing sa iyo. Baka naman ay kailangan mo lang matututo mahabag, magmahal, matutong "to touch somebody's heart." Kailangan mong ipakita ang pagkahabag ng isang tunay na kapatid tulad ng ipinakita ni Hesus kay Zaqueo.
Kung nais mong walang masyadong poproblemahin sa pagdating ng panahon ng iyong katandaan, sa panhon ng sakit at sakuna, ngayon pa lang, kahit 3 pain relievers lang at isang sopas ng gulay ay ialay sa iyong kapwa na nangangailangan ay hwag ipagkait na ibigay. Ang 3 pain relievers na yan at sopas ng gulay ay pwede mong itranslate sa konting bigas, sa pera, sa pagabot ng iyong kamay sa iyong kapwa. Ngayon pa lang simulan mo na ang iyong puhunan. Mahabag ka sa iyong kapwa ng tunay. Sa pamamagitan niyan ay makakatulong ka din ng pagbabago sa ating lipunan. Gayahin natin ang pagkahabag ni Hesus sa makasalanan at nang sa gayon ay mabago ng kaunti ang ating lipunan.
No comments