Naalala ko sa mga telenobela at sa sine kapag gusto ng kontrabida na ihumiliate ang bida, sasabihan nya ito ng "lumuhod ka sa harapan k...
Pagsusumamo, Pagluhod, Pagpapakumba. Tatlong aksyon o role na malimit nating makita sa isang "bida" sa teleseryeng pinoy upang mapagbigyan lang ang mithiin ng kalaban pero maipapakita naman ang pagmamahal at kaligtasan ng iba pang mga tauhan sa kwento. Dala ng kanyang pagluhod, pag sakripisyo, pagpapakumbaba ng bida, may buhay na maliligtas o may buhay na mapapalaya.
Pagsusumamo, Pagluhod, Pagpapakumbaba ang mga katagang mapupulot natin ngayon sa mga binasa mula sa banal na kasulatan. Sa unang pagbasa nadinig natin na ang Diyos ay walang itinatanging sinuman. Hindi siya kumikiling kaninuman laban sa mahirap, sa halip, agad niyang dinirinig ang naaapi. Lagi niyang dinirinig ang daing ng ulila, at ang pagsusumamo ng balong nagsasaysay ng nangyari sa kanya. Parang swak na swak ito sa isang malaking kaganapan na mangyayari sa ating bansa bukas. Sana ang iboboto ninyo ay ang mga kandidatong hindi lang lumuhod at nagsumamo sa inyo sa panahon ng kampanya kundi yung mga taong nasa panig ng mahihirap, dinirinig ang mga naapi. Isang pulitikong makatarungan.
Sabi sa ating unang pagbasa, ang panalangin daw ng naglilingkod sa kanya ng buong puso ay agad nakaaabot sa langit. Ang dalangin ng mapagpakumbaba ay lumalampas sa mga ulap at hindi tumitigil hanggang di dumarating sa kinauukulan, hindi humihinto hanggang di pinapansin ng Kataas-taasan, at iginagawad ang katarungan sa nasa katuwiran. Kaya kayo, pagkatapos na maluklok na yang mga nagsumamo sa inyong mga boto, e kulitin nyo din sa mapakumbabang paraan.
Kapag tayo ay dumudulog sa ating Panginoon o pag pumapasok tayo sa simbahan e lumuluhod tayo para magdasal. Paluhod tayong nagsusumamo sa Panginoon na sana tayo ay pakingan, na sana sagutin ang ating panalangin. Paglumuhod ang bida sa telenobela sa harap na kontrabida, yun na ung sign ng kanyang surrender sa makapangyarihan. Yun na ang sign ng pagpapaubaya sa kagustuhan ng kontrabida. Yun na yung end ng kanyang buhay. Narinig natin ang dasal ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, isang pagdarasal ng isang taong nasa huling mga araw ng kanyang buhay. Isinusurender nya na sa Panginoon ang lahat. Bahala na ang Panginoon magpatakbo sa kanyang nalalabing mga araw kagaya ng pagpapaubaya nya na ang Panginoon ang magpatakbo ng kanyang buhay matapos na siyay lumuhod sa Damascus. Kapag lumuhod tayo sa panahon ng ating pagdarasal, sa harap ng altar, para na din nating ipinakita na, "heto ako Lord, handang isurender ang buo kong pagkatao sa iyo, gawin mo po ang ibig mo sa akin."
Pagtayo ay nais magdasal, hindi natin kailangang tumayo sa harapan upang makita ng lahat o makita ng lahat ang suot suot mong bagong damit o burloloy sa katawan. At lalong hindi tulad ng Pariseo na inatupag na lang ang punahin ang itsura at pagkatao ng publikano na napakingan naman natin sa ating ebanghelyo ngayong ika tatlumpung lingo sa loob ng ordinaryong panahon. E diba sa loob pa nga ng simbahan malimit kayo, kung minsan pati ako, nagchchikahan. Pag may dumaan na pwedeng taasan ng kilay, e tinataasan nyo ng kilay nyo at pagkukwentuhan ang suot na damit, ang pagkalakin ng kanyang hikaw, ang kanyang nakaraan, ang kanyang kalaguyo, ang kasalanan na nagawa ng pinagpipistahan mong kaibigan. Kung minsan yan pa nga sinasabi nyo sa amin sa kumpisal, ang kasalanan ng iyong kapitbahay at hindi ang iyong mga nagawang kasalanan.
Kung nais mong magdasal, kung nais mong dumulog sa Panginoon, lumapit kang mapakumbaba, feeling unworthy sa kanyang mga biyaya at patawad. Kung nais mong makipagusap sa Diyos, di mo na kailangang ikwento ang buhay ng may buhay. Ikwento mo mga kapatid ang iyong pagdurusa, ang iyong nararamdaman, ang iyong mga pinagninilayan sa buhay, ikwento mo ang nangyayari sa iyong sariling buhay.
Lumapit ka sa Panginoon na mapakumbaba tulad ng bida sa teleserye, nagsusumamo, nakaluhod, ibinigay ang buong buhay sa kamay ng "may kapal". Huwag kang mahiya sapagkat ang Panginoon ay Diyos ngkatarungan, wala siyang itinatanging sinuman. Hindi siya kumikiling kaninuman laban sa mahirap, sa halip, agad niyang dinirinig ang naaapi kung mapakumbaba kang dumudulog sa kanya.
Kung hindi ka mapakumbaba sa iyong pagdarasal, anu pa kaya sa iyong pakikipag relasyon sa iyong mga kasambahay, sa iyong balangay, sa iyong lipunang tinitirhan.
Nawa'y bukas, sa araw ng halalang lokal, maging matiwasay ang pagpili ng mga karapatdapat na magiging bida sa ating lipunan. Piliin nyo ang may takot sa Dios, may pusong mapagmahal, at marangal na pamumuhay.
Kung ikaw ay marunong sumamo, marunong lumuhod at mapagpapakumba, BIDA KA!
ako'y minsa'y naging kontrabida
ReplyDeletesa buhay ng isang Bida
di man napilitan,
ang puso'y kusang nagdasal,
ang relasyon ay sadyang mapagpakumbaba
at ang kaluluwa'y nagalak.
ang lumuhod ang kontrabida'y
isang saksi sa isang pinagpala
isang nagiging alagad ng Maykapal
upang maisawalat ang Magandang Balita.