Page Nav

HIDE

Pagnakaw sa Paraiso

  “Sinasabi ko saiyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.” Ito ang mga katagang binangit ni Hesus matapos na pinatawad niya ang mga tao...

 “Sinasabi ko saiyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.” Ito ang mga katagang binangit ni Hesus matapos na pinatawad niya ang mga taong nagpapako sa kanya, mga katagang sinabi nya sa magnanakaw na ipinako kasama niya. Magnanakaw na ayon kay San Lucas, naniwala na si Hesus ay tunay nga na walang kasalanan, tunay na walang ginawang masama di tulad nila. Ang sabi pa ng iba, siya ang tunay at pinakamagaling na magnanakaw sa buong mundo, sapagkat hangang sa huling yugto ng kanyang buhay, nakuha niyang NAKAWIN ang pusong mahabagin ni Hesus, nakawin ang eksena, at napangakuang isasama ni Hesus sa Paraiso sa mismong araw na iyon. Nakanakaw ng instant at libreng ticket papunta sa langit. Nakuha niyang nakawin ang mga sandali upang siyay makasama ng ating Poong mahabagin.

Paraiso. Isang salitang kung ating iimaginin, ay napakaganda siguro, mapayapa, maraming puno, halaman, bulaklak, lahat ng tao masaya, lahat ng naroon ay walang pighati at sakit na nadarama. Maraming pagkain, lahat may damit, lahat may pagkain, lahat may gamit. Wala sigurong nagaaway, walang guera, walang nakawan, walang patayan, lahat nagmamahalan. Lahat siguro ng pangit ay gaganda.

Paraiso. Isang salita na hinding hindi ko makakalimutan sapagkat yan ang katagang aking nabangit at laging bukang bibig simula ng akoy napunta ng Basilan. Paraiso dahil sa napakagandang tanawin, paraíso dahil sa napakaganda ng panahon noong akoy unang dumating. Napakabait ng mga tao na aking nakapiling, nakasama sa parokya, sa mga Bible Sharing, sa araw araw na pananalangin. Ninakaw ng Basilan ang puso ko at palagay ko, hangang ngayon ay andun parin.

Subalit isang araw muntik na na ang buhay ko ay kitilin nang dahil sa pagmamahal ko dito sa mga taong ito na aking nakapiling. Hulyo 10 ng nakaraang taon nang akoy bumisita muli doon upang ipagpatuloy ang pagtuturo ng computer sa mga out of school, sa Claret School of Tumahubong at sa mga mangagawa ng cooperatiba. Subalit kinumagahan, isang karumaldumal na ambush ang ginawa ng mga kaibigan natin sa taas. Napatay ang walong gomero na walang kasalanan at tatlumput dalawa ang nasugatan. Isa ang tinamaan ng rifle grenade sa kanyang kaliwang braso na sabi naming milagro dahil kung hindi sa kanyang kamay kumalambitin ang napakalaking bala, lahat ng sisentang mangagawa sana ay patay na. Isa sa mga namatay ay ang security guard ng Claret School na noong gabiy napakasaya at nakikipagbiruan sa akin. Kinaumagahan, siya ang unang namatay. Namatayan nanaman ang isang pamilya na napatay pa lang din ang kapatid sa naunang ambush nung mismong taong din yon. Isang tao na napakabait at malapit sa amin ang kasama sa nadamay. Napakasakit ng pangyayari. Yun ang unang pagkakataon na aking masaksihan ang ilang taong namamatay sa tama ng bala. Mga tao na karaniwang mangagawa lamang subalit biktima ng karahasan. Hangang ngayon di pa mawala ang mga mukha nila na naghihinagpis sa aking isipan. Nakatanim sa puso ko ang kanilang pagsusumamo, ang kanilang pangarap na mabuhay muli. Ang kanilang pag aagaw buhay. Ang kanilang pagnanakaw ng mga huling hininga. Ang mga nakaw na sandali upang makausap ng pamilya at marinig ang kanilang mga huling salita ng pagmamahal at pamamaalam.

Sasabihin ko ba sa kanila na “ok lang, kasi sa Paraiso naman ang iyong hantungan?” Hindi ko maatim na sabihin ang mga katangang sinabi ni Hesus sa magnanakaw na isasama siya ng Panginoon sa sa Paraiso sapagkat sila ay naging tapat na Kristiyano at martyr ang estado nila ngayon sa buhay. Wala akong masabi, wala akong imik nang magsimula nang magiyakan ang kanilang mga magulang, ang kanilang mga anak na 12, 8, 5 taong gulang pa lamang. Wala akong maisagot sa kanilang mga tanong “Nasaan ang Diyos Father, nasaan siya kung kailan namin siya kailangan.” Wala akong maisagot sa kanilang mga tanong kung tunay nga ba na paraiso ang gantimpala pag ikaw ay nagsisisi sa iyong mga kasalanan, kung matuwid ang iyong daan, kung ikay pinapatay ng walang pakundangan dahil ikaw ay katoliko. “Ganito na lang ba talaga tayong mga katoliko, pinapatay na lang na parang mga hayop at walang karapatang mabuhay ng maligaya at matiwasay” tanong sa akin ng ina ng anak na napatay. Pangalawa na ang anak niya na ito na pinatay sa loob ng isang taon lamang. Napakasakit, napakabigat, nakakapangigil, nakakaawa, nakakalungkot kayat di ko masisi ang isang magnanakaw na nakalambitay kasama ni Hesus kung bakit siya nangutya, kung bakit ganun na lang ang kanyang mga katagang nasabi. Hindi bat malimit katulad tayo ng isang magnanakaw na ito kapag dumadating ang pahon ng kahirapan, panahon ng unos sa ating buhay. Kinukutya at sinisisi natin ang Dios.

Apat na araw makalipas ang pangyayari, kami naman ang inabangan at muntik nang mapabilang sa mga hanay ng naroon na sa Paraiso. Subalit siguro ay di pa napapanahon kung kayat nandito ako ngayon sa inyong harapan, nagsasalita, nag papatunay ng pag-ibig at lubos na pagmamahal ng ating poong maykapal. Sa mismong araw na iyon pinangakuan ako ng Dios ng isa pang pagkakataong mabuhay, upang maipahayag ko sa inyo at sa lahat ng aking makakasalamuha at makakasama habang nabubuhay na actually, maari naman nating namnamin ang isang bahagi ng Paraiso, habang tayo ay nabubuhay. Sa mismong araw na iyon, nangako ako sa panginoon na siya’y aking paglilinkuran hangang sa kamatayan. Nangako ako sa kanya na nanakawin ko din ang bawat puso ng kahit sinuman upang silay dumulog sa kanya magpakailan man. Bahala na kahit na nakawin muli ang buhay ko ng hari ng kadiliman maituro ko lang din sa inyo ang daan patungo kay Hesus, patungo sa Paraiso na kanyang inilaan.

Hanggang sa huling sandali si Jesus ay nagmamalasakit para sa mga ibinukod at marginalized sa ating lipunan. Christ upon the cross, is gracious like Christ upon the throne. Though he was in the greatest struggle and agony, yet he had pity for a poor penitent. By this act of grace we are to understand that Jesus Christ died to open the kingdom of heaven to all penitent, obedient believers. Yes it is a single instance in Scripture and yet it should teach us to despair of none, and that none should despair of themselves; but lest it should be abused, it is contrasted with the awful state of the other thief, who died hardened in unbelief, though a crucified Saviour was so near him.

Si Hesus ay ang daan papuntang paraiso, siya ang pintuan ng bagong buhay. Tayo ay inaanyayahan na maglakbay patungo dito sa daang ito patungong Paraiso at huwag sana nating harangan. Sapagkat kung minsan imbes na ating buksan ang mga pintuan itoy ating sinasarhan upang di makapasok ang mga tao na tinawag ni Hesus at inimbitahan. Kinukundina natin ang mga prostituta, ang mga nakulong, ang mga maysakit, ang mga beki at gustong mag palit ng kanilang kasarian, ang mga drogadikto, mga criminal, mga rapist, mga pulubi na nakikita natin jan sa daan. Maraming beses nating isinasara ang pintuan dahil lang sa hindi ninyo sila kauri, dahil sa pagkakaiba, dahil sa kasalanan na kanilang nagawa. Kung ako/ ikaw/ ay mga taong may dungis din at makasalanan, lahat tayo ay may lugar sa Paraiso, dumulog ka lamang sa kanya at sumamo. NAKAWIN NINYO ANG PUSO NG MAYKAPAL SA PAMAMAGITAN NG INYONG PERSONAL NA PAGBABAGO NGAYON AT MAGPAKAILANMAN. AT NANG SA GAYON INYONG MAKAMTAN DIN ANG PARAISONG IPINANGAKO NG POONG MAYKAPAL. Amen. 

No comments