Page Nav

HIDE

MMK

Bigla kong naalala sa sinabi ni Lord kay Abraham na " Masdan mo ang mga bituin! Ganyan karami ang magiging anak mo at apo " ang...

Bigla kong naalala sa sinabi ni Lord kay Abraham na "Masdan mo ang mga bituin! Ganyan karami ang magiging anak mo at apo" ang katagang: "lahat ng bituin sa langit ay aking susungkitin, makuha ko lang ang matamis na oo ni Luningning", mga katagang gasgas na at korny na ginagamit sa panliligaw sa sinisinta noong mga unang dekada (na mukhang hangang ngayon ginagamit pa). Parang lang kasing panliligaw ang ginawa ni Bosing bago nauwi sa kasunduan nila ni Abraham.

MAKINIG, MAGBABAGO at KUMILOS. Ito ang tatlong katagang pwede nating gamitin sa ating pagninilay para sa pagdiriwang ng Ikalawang Lingo ng Kuwaresma.

Sa unang pagbasa nabasa natin ang salaysay ng pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham. "Masdan mo ang mga bituin! Ganyan karami ang magiging anak mo at apo" wika nya. At ang sabi naman ni Abraham: Panginoon, aking Diyos, paano ko malalaman na itoy magiging akin." (Kung yung nililigawan pa siguro ang sumagot, siguro sasabihin niya: "Talaga?" o "talaga lang ha" sabay pacute ng mga mata.") Humihingi ng assurance si Abraham upang mapatunayan na talagang mapapasakanya ang pangako. At ang sagot ng Dios ay maisusmarize natin sa MMK: MAKINIG, MAGBABAGO, KUMILOS. 

Upang makamit ni Abraham ang pangako ng Dios, kailangang lamang nya MAKINIG sa mga salita na sinasabi ng Diyos at wala ng iba. Kapag sinabing makinig, maari natin itong iugnay sa pagsunod sa iniuutos sa kanya. Upang makamit nya ang pangako, nararapat lamang na hindi siya magbabago ng kanyang pananampalataya, paniniwala at pagmamahal niya sa Dios. Kagaya lang din ng Dios na hindi nagbabago at hindi magbabago sa kanyang patuloy napagmamahal niya sa tao. At kung hindi magbabago ang kanyang katapatan sa Dios na mapagmahal, MABABAGO ang kanyang pagkaordinaryo patungo sa pagiging ama ng lahat ng tao sa mundo. Aside sa pakikinig at di pagbabago ng loob, ay kailangan niya ding KUMILOS, sundin ang ipinapagawa sa kanya ng Dios. Hindi pwedeng maghihintay na lang siya at mananatili. Kailangan kumilos sunod sa utos na napakingan kung gusto niya talagang mabago ang kanyang tadhana at maging kasing tulad karami ng bituin ang kanyang angkan. Makinig, Magbabago, Kumilos.

Ang mga sikat na tao ay malimit nating sinasabi na para silang mga bituin na sa langit ay nagniningning. Sila ay tinitingala, inaasam na makapiling,sabik kang makita. Dati ordinaryong tao lang sila pero dahil sa kanilang magandang gawa, di ka man mapaniwala, siya na nga ang ordinaryong totoy o inday sa kanto na sikat na ngayon na bituin. Kung natatandaan nyo yung lingo bago nagsimula ang Kuwaresma, nakikita natin yung ordinaryong anak ng karpentero ay sumikat sa mga himala at mga salita nya. Di nga lang tinangkilik sa sarili niyang bayan. Siya'y parang bituin na nagniningning sa gitna ng maraming tao, dito sa mundo. Naging isang bituin na di kailangan tingalain sa langit sapagkat nasa harap na nila, pwede mahawakan, mahaplos, mayakap, makausap. Estado ni Jesus na sinisimbolo ng bituin nung araw na siya'y ipinanganak. At ang formula ni Jesus para dito ay MMK: marunong siyang MAKINIG sa kanyang Ama at sa mga sinabi ng mga profeta at sa sinasabi ng mga utos. Hindi MABABAGO ng kahit na sinong demonyo at anu mang tutukso para MAGBAGO ng prinsipyo, ng pagmamahal, at pagiging tapat sa Ama. Lahat ng kanyang KILOS ay naayon sa sinabi ng kanyang Ama na masusi at mainam niyang pinakikingan at wala siyang binabago. Isinasakatuparan niya ang lahat ng ito.

Samantalang siya'y NAGDADASAL (pakikinig sa Dios) ay NAGBAGO ang anyo ng kanyang mukha, nagningning ang kanyang kasuotan na naging puting puti. The Transfiguration kung tawagin natin, ay ang siyang buod ng buhay ni Jesus dito sa mundo at ng magiging buhay din natin kung gagaya lang tayo sa kanya. Kung MMK din sana tayo. Kung MAKINIG lang din tayo sa mga sinabi niya. Sapagkat ang pakikinig sa kanya ay pakikining na din sa Dios Ama. "Ito ang aking Anak, ang aking hinirang. Siya ang inyong pakingan." Kung di rin sana TAYO MAGBABAGO sa ating pagmamahal at pangako na siya lang at wala nang iba ang pakikingan mo at susundin natin maari din nating matamo ang transfiguration ng buhay natin.

Ang pagbabagong anyo ni Jesus ay ang pagpapakita ng kanyang glory bilang Dios at bilang tao. Isang bituin na nagniningning, isang estado ng buhay na dapat sana'y ating sungkitin at mapa sa atin din. Ngunit di natin ito makakamit kung tayo ay TUTULOG TULOG at kung tayo'y MANANATILI lang sa kung nasaan tayo ngayon sa buhay, kung walang PAGBABAGO na nagaganap sa buhay natin; kung ang ating PINAKIKINGAN ay mga salita at kuro-kuro ng ibang tao o ng demonyo. Kailangan nating KUMILOS. Sabi ni Pedro "Guro mabuti pa'y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias." Isang pagpapahayag ng permanence, pananatili. Hindi pwede na hangang doon na lang mananatili. Kung anu man ang NARINIG natin na Salita ng Dios ay gawin. Anu man na pangako natin sa kanya ay tutuparin at di MAGBABAGO. Hindi gusto ng Diyos na manatili tayo sa ating estado ng kasalanan, na manatili tayo sa dating tayo o sa anu pa man na nagpapastable sa atin, sa comfort zone kahit na mali ito at bahala nang hindi MAKINIG sa sinasabi ng Diyos sa atin basta kasi gusto mo na jan ka na lang. Inaanyayahan tayo na MAGBAGO. Inaanyayahan tayo na huwag lang DUMITO, inaanyayahan tayong KUMILOS at pumunta tayo DOON.

Saan yung DOON? SA LANGIT. "Ang langit ang tunay nating bayan." wika ng ikalawang pagbasa natin ngayon. "Mula roo'y hinihintay nating may pananabik ang Panginong Hesukristo, ang ating Tagapagligtas. Pagdating ng araw na yaon, babaguhin niya ang ating katawang lupa at gagawing maluwalhati, tulad ng kanyang katawan." Balik tayo sa unang bahagi, titingala na ulit tayo. Titingala sa langit kung nasaan ang lahat ng bituin ay nagniningning. MANGANAGARAP na sanay balang araw, mapabilang tayo sa mga bituin sa langit, mapabilang tayo sa mga bituin na nakita ni Abraham na nagniningning. At para makamit natin ang langit na pangako, ngayong Kuwaresma mga kapatid, habang tayo'y nasa lupa pa at di pa sumasalangit, inanyayahan tayong muli na mag MMK: MAKINIG, MAGBABAGO, at KUMILOS.

No comments