Page Nav

HIDE

Pages

Pagtitiyaga, Pagpapatotoo, Pasasalamat (Desyembre 14, 2025: Ikatlong Linggo ng Adbiyento (Gaudete Sunday))

Mga minamahal na parokyano ng Immaculate Heart of Mary, at sa ating panauhin at bagong orden na pari, Father MacJhun Buendever, CMF. Ngayong...

Mga minamahal na parokyano ng Immaculate Heart of Mary, at sa ating panauhin at bagong orden na pari, Father MacJhun Buendever, CMF.

Ngayong Gaudete Sunday, nakasuot kami ng kulay rosas. At ang utos ng liturhiya ay “Magalak kayo!”

Subalit sa ating Ebanghelyo, may isang imahen na tila malayo sa kumikinang na Pasko ng Quezon City. Ng kagalakan, ng pagsasaya. Si Juan Bautista ay wala sa isang handaan; siya ay nasa malamig at madilim na bilangguan.

Doon sa dilim, nagtanong siya: “Ikaw na ba ang hinihintay namin?

Ito rin ang tanong ng marami nating kapatid na nasa “laylayan” o peripheries. Ang tanong ng mga napabayaan: “May darating pa bang pag-asa? O kalimutan na lang kami?”
Ngayong araw na ito, kasama natin si Father MacJhun. Hindi siya dito naka assign sa parokya natin. Siya ay itinalaga sa “peripheries,” sa piling ng ating mga kapatid na Katutubo (Indigenous Peoples) sa Sarangani, sa mga Blaan at mga Taga Kaulo. Ang kanyang presensya dito sa sentro ng lungsod ay nag-uugnay sa Immaculate Heart at sa Wounded Heart ng mundo.

Gamit ang mga pagbasa, pagnilayan natin ang Tatlong “P” na hamon sa ating lahat ngayong ika-3 Linggo ng Adbyento.

Ang unang hamon ay PAGTITIYAGA. Sa sulat ni Santiago, itinulad ang paghihintay sa isang magsasaka.

Father MacJhun, sa iyong misyon sa mga Katutubo, kailangan mo ng dobleng baon ng pasensya. Doon, walang instant. Walang GrabFood o Food Panda na darating agad ang gusto mo. Ang pagtatanim ng Ebanghelyo sa kultura ng mga Katutubo ay mabagal, tahimik, at minsan ay mahirap makita ang bunga. Huwag kang mainip. Ang Diyos ay kumikilos sa katahimikan ng bundok.

At sa inyo, mga taga-Immaculate Heart: Ang hamon sa inyo ay pagtitiyaga sa pakikinig.
Sanay tayo dito sa QC na mabilis ang lahat. Sanay tayo sa efficiency. Pero ang Simbahan ay hindi lang tungkol sa magagandang gusali o convinient na parokya. Ang tunay na Simbahan ay nasa putikan din.

Huwag kayong mapagod na alamin ang kwento ng mga nasa laylayan. Minsan, nakakapagod tumulong. Minsan, parang paulit-ulit na lang ang problema ng mahihirap. Pero ang hamon ng Adbiyento ay ang tiyaga ng Diyos. Kung ang Diyos ay hindi nagsasawa sa atin, sino tayo para magsawa sa pagtulong sa mga misyon ni Father sa bundok?

Ang ikalawa ay PAGPAPATOTOO. Nang hanapan si Hesus ng ebidensya, ang sagot Niya: “Ang mga bulag ay nakakita, ang mga pilay ay lumakad.”

Father, sa iyong pagbalik sa misyon, ang iyong pinakamabisang sermon ay hindi ang iyong galing magsalita, kundi ang iyong pananatili. Ang ebidensya na mahal sila ng Diyos ay ang katotohanang may isang pari na piniling samahan sila sa hirap, kaysa manatili sa ginhawa ng siyudad. Your presence is the proof.

At hamon ko sa inyo, Parishioners ng IHMP: Narinig natin sa Isaias: “Didilat ang mga mata ng mga bulag.

Dito sa siyudad, marami tayong nakikita—magagandang ilaw, shopping malls, matatayog na building. Pero baka naman tayo ang tinutukoy na “bulag”?

Bulag sa katotohanang habang masagana ang ating Pasko dito, may mga kapatid tayong Katutubo na ang hiling lang ay kapayapaan sa kanilang lupang ninuno.

Ang hamon ng pagpapatotoo sa parokyang ito: Gamitin ninyo ang inyong yaman at impluwensya para maging “mata” at “boses” ng mga walang boses.

Huwag ninyong hayaang maging “guest” lang si Father na dadaan at aalis. Gawin ninyong partner ang parokyang ito sa kanyang misyon. Ang yaman ng Immaculate Heart ay dapat umagos patungo sa mga uhaw na lupa ng misyon. ‘Yan ang tunay na Kristiyano—hindi lang nagsisimba, kundi nagmamalasakit.

Ang huling P ay PASASALAMAT. Father, sa bawat Misa mo sa kabundukan—kahit minsan ay simple lang ang altar o kakaunti ang tao—magpasalamat ka. Dahil doon, sa kapayakan ng buhay ng mga Katutubo, mas madaling makita ang mukha ng Diyos kaysa sa ingay ng siyudad.

At sa inyo, mga minamahal na taga-lungsod: Tumingin kayo sa paligid. Napakaganda ng inyong simbahan. Napakarami ninyong biyaya. 

Ang tunay na Pasasalamat (Eucharist) ay ang paghahati.

Hindi aksidente na si Father MacJhun ay napadpad dito ngayon. Makapagcelebrate ng kanyang unang Misa sa inyo. Ito ay paalala ng Diyos: “Binigyan ko kayo ng marami dito sa Quezon City, hindi para solohin ninyo, kundi para ibahagi.”

Ang inyong pasasalamat ngayong Pasko ay hindi dapat matapos sa masarap na Noche Buena. Ang tunay na pasasalamat ay kapag nag-abot kayo ng kamay sa misyon, kagaya ng misyon ni Father sa mga katutubo. Ang tunay na pasasalamat ay kapag ang Immaculate Heart ay tumibok para sa mga nasa peripheries.

Mga kapatid, si Juan Bautista ay nagtanong sa dilim. Tayo ang sasagot nito sa pamamagitan ng liwanag ng ating pagmamahalan.

Kaya Father MacJhun, sa pagbalik mo sa mga Katutubo, dalhin mo ang aming panalangin.
At kayo, mga taga-Immaculate Heart, huwag ninyong hayaang mag-isa ang ating mga misyonero.

Pag-ugnayin natin ang Lungsod at ang Bundok sa pamamagitan ng: Matatag na Pagtitiyaga, Buhay na Pagpapatotoo, At mapagbigay na Pasasalamat.

Amen.



No comments